Kapwa nanaig ang defending champion National University (NU) at Ateneo de Manila University (ADMU) kontra sa kanilang mga katunggali sa pagpapatuloy ng UAAP Season 77 juniors basketball tournament sa Blue Eagle Gym.

Nahatak ng Bullpups ang kanilang winning streak hanggang sa 22 mga laro nang gapiin ang Adamson University (AdU), 63-55, habang tinalo naman ng Blue Eaglets na sumandal sa kanilang inilatag na 29-8 run sa third quarter ang University of the East (UE), 84-60.

Kapwa wala pang talo makaraan ang unang anim na laro, nakatakdang magtuos ang dalawang koponan bukas para sa nakatayang pagwalis sa unang round.

Ang naturang laro ang kanilang unang pagtatagpo matapos na pataubin ng Bullpups ang Blue Eaglets sa kampeonato noong nakaraang taon kung saan ay nakapagtala ang una ng 16-0 sweep.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Nagposte si Allan Mina ng 13 puntos, nagdagdag si Philip Manalang ng 12 puntos at nag-ambag si Mark Dyke ng 13 rebounds para pangunahan ang NU sa naturang panalo. Para naman sa Ateneo, tumapos si Matt Nieto na may 20 puntos,7 rebounds at 4 assists, nag-ambag sina Lorenzo Mendoza at Marc Salandanan ng tig-12 puntos at Mike Nieto na may doubledouble na 10 puntos at 10 rebounds.

Nagsipagwagi rin ang Far Eastern University (FEU)-Diliman at De La Salle-Zobel sa kanilang mga nakalaban upang manatili sa ikatlong puwesto.

Tinalo ng Baby Tamaraws ang University of Santo Tomas (UST), 53-41, habang iginupo naman ng Junior Archers ang University of the Philippines (UP) Integrated School, 104-54.

Dahil sa panalo, umangat ang dalawang koponan sa barahang 2-4 (panalo-talo) kasalo ang Baby Falcons habang nalaglag naman ang Tiger Cubs at Junior Maroons sa barahang 1-5.

Samantala, nanatili namang walang panalo ang Junior Warriors matapos ang unang anim na laro.