Dinala ni Willie Miller sa 85-79 panalo ang Siargao Legends kontra sa Hobe-JVS para makopo ang kampeonato ng 4th DELeague Invitational Basketball Tournament noong Miyerkules ng gabi sa Marikina Sports Center sa Marikina City.
Umiskor ng 20 puntos ang dating two-time Most Valuable Player (MVP) ng Philippine Basketball Association (PBA) na si Miller, kabilang ang kambal na tres na nagtulak sa laro sa overtime at mahalagang free throws sa mga huling sandali ng laro para masiguro ang pagwawagi para sa Siargao Legends.
Lamang ng 3 puntos ang Hobe-JVS, 71-68, may 16 segundo na lang ang natitira sa laro, nang magpakawala ng tres si Miller para itabla ang laban.
Sinagot naman ito ng import ng Hobe-JVS na si Jabril Bailey ng isang tres, may 3.8 segundo na lang ang natitira sa laro.
Matapos ang timeout ay ibinigay ni Leo Avenido ang bola mula sa inbound kay Dodie Sta. Cruz na nahanap naman si Miller na bakante sa kaliwang bahagi ng court at nagpakawala ito ng tira mula sa 24 feet na pumasok sa basket sabay tunog ng buzzer sa regulation time.
Sa overtime ay muling nagbida si Miller nang mahanap niya sa ilalim ng basket si Charles Mammie para itulak ang Siargao sa 83-79 kalamangan. Sa sumunod na play ay nagmintis ang tikada ni Eric dela Cuesta at nakuha ni Miller ang defensive rebound. Agad naman siyang na-foul ni Jeff Viernes at kalmadong ibinuslo ni Miller ang dalawang free throws para sa final score.
Hinirang na MVP ng liga si Miller na nagtapos din na may 8 rebounds at 6 assists sa final game.
Nagdagdag naman si Mammie ng 22 puntos at 14 rebounds.
Ang Hobe-JVS, na naputol ang dalawang taong paghahari sa liga, ay pinangunahan ni Bailey na may 18 puntos at ni Viernes na may 15 puntos.
Kasama ni Miller sa Mythical Five ng liga na itinataguyod ni Marikina Mayor Del de Guzman sina Mammie, Egay Billones ng Sealions at sina Micheal Harry at Mark Yee ng Hobe- JVS.
“Nagpapasalamat tayo sa lahat ng sumuporta sa liga, sa gabi-gabing nanunood at naniwala sa liga sa loob ng apat na taon. Maaasahan natin ang mas matitindi pang laro at mga manlalaro sa susunod na taon,” wika ni Mayor De Guzman.
Napasakamay ng Siargao Legends ang isang magarang tropeo na mula kay Mayor De Guzman, bukod pa sa P200,000 premyo habang P100,000 naman ang naiuwi ng Hobe-JVC.
Samantala, dinaig ng Sta. Lucia Land Inc. ang Sealions, 98-70, para masungkit ang ikatlong puwesto at ang P50,000 premyo.
Ang ligang ito ay suportado ng PCA Marivalley, St. Anthony Hospital, PS Bank Blue Wave Marquinton Branch, Luyong Restaurant Concepcion, Mckie’s Equipment Sales and Rental, Cars Unlimited- Fairview Auto Sale at Tutor 911 at pinamumunuan nina executive committee chairman Coun. Frankie Ayunson, commissioner Sonny Manucat III, deputy commissioner Monroe Cueson, tecnical head Noel Cana ng pamunuan ng Marikina Sport Center at ng Public Information Office ng Marikina.