Muling iginiit ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang kanyang suhestiyon sa gobyerno na payagan ang mga mayayamang preso na gumastos upang makagamit ng komportableng selda.
Sinabi ni Santiago na matagal na niyang isinusulong ang kanyang rekomendasyon subalit ito ay binabalewala umano ng gobyerno.
“Several years ago, I recommended that we follow the procedure in the United States where prisoners are allowed not luxurious but at least improved circumstances of detention over those who are treated in the regular manner. Then we can make them pay and give the money for government funds,” pahayag ni Santiago.
“Unfortunately, that suggestion was not taken seriously. But this is done in the United States,” dagdag ng senador.
Sinabi ni Santiago na ilang dekada nang umiiral ang marangyang pamumuhay ng ilang mga VIP prisoner, partikular sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City subalit hindi pa rin ito nasusugpo ng awtoridad.
Dapat din aniyang hubaran ng maskara ang mga prison official na nagbibigay proteksiyon sa presong sangkot sa ilegal na gawain tulad ng pagtutulak ng droga at armas sa loob ng bilibid.
Naniniwala ang beteranong mambabatas na kaya magtagal ang bulok na sistema sa NBP ay sangkot ang mga matataas na opisyal ng bilibid sa mga ilegal na pamamalakad ng pasilidad.
Agad namang nagpreno ang senador kasabay ng pahayag na hindi ito agad nangangahulugan na sangkot din ang kalihim ng Department of Justice sa mga anomalya sa NBP. - Hannah L. Torregoza