Pinagkalooban kahapon ng Philippine Sports Commission (PSC) ng kabuuang PI milyon bilang insentibo ang tinaguriang "The Big Difference" na si Carlos "Caloy" Loyzaga dahil sa 'di matatawarang ibinigay nitong karangalan sa bansa.
Sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia na ang insentibo ay bilang bahagi sa matatanggap ng isang atleta base sa batas na nakasaad sa Republic Act 9064 at ito'y kaakibat ng 84-anyos na si Loyzaga bilang dating manlalaro at coach ng pambansang koponan sa basketball.
"Based on the law, he (Loyzaga) is set to receive a one-time gratuity of P750,000.00 but the PSC Board decided to give him P1M from the savings of the agency for his faithful service rendered to the country," sinabi ni Garcia.
Tinanggap naman ng panganay nitong anak na si dating PSC Commissioner at PBA player na si Joaquin" Chi to" Loyzaga ang insentibo para sa kanyang ama.
Si Loyzaga na kinilala bilang "The Big Difference" ay iginagalang bilang "The greatest Filipino basketball player of his era" matapos maging dominanteng manlalaro sa komunidad ng basketball sa Pilipinas simula noong 1950s hanggang 1960s.
Isa lamang ito sa natatanging manlalaro na dalawang beses naging Olympian (1952 at1956) sa Philippines men's national basketball team. Nakasama si Loyzaga sa koponan noong 1952 na tumapos na 9th place at noong 1956 bilang 7th place.
Tinulungan nito ang Pilipinas, bilang isa sa pinakamagaling na manlalaro sa mundo, sa pagwawagi ng gintong medalya sa apat na sunod na Asian Games noong 1951, 1954, 1958 at 1962 at dalawang magkasunod na FIBA Asia Championships noong1960 at 1963.
Itinala nito ang pinakamahusay na laban noong 1954 FIBA World Championship kung saan ay pinangunahan nita ang Pilipinas sa tansong medalya na siyang pinakamataas na pagtatapos ng isang bansa sa Asya.
Tumapos din si Loyzaga bilang isa sa leading scorer sa torneo na may 16.4 puntos kada laro at napabilang sa natatanging All-Star selection.
Naglaro rin si Loyzaga bilang player-coach sa YCO noong 1960s kung saan ay nagretiro ito bilang player noong 1964.
Naging head coach ito sa YCO at sa UST men's basketball team sa UAAP, maliban pa sa paghawak sa Philippine men's basketball team na nagwagi sa 1967 ABC Championship na kilala ngayon bilang FIBA Asia Championship.