Hinamon kahapon ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) si Department of Justice (DoJ) Secretary Leila De Lima na magsagawa rin ng surprise inspection sa mga arestadong suspek sa Maguindanao massacre case, tulad ng ginawa nito sa National Bilibid Prison (NBP) kamakailan.
Ito ay matapos pangunahan ni De Lima ang mga ahente ng NationalBureau of Investigation (NBI) sa pagsasagawa ng sorpresang inspeksiyon sa NBP kung saan nadiskubre ang malaharing pamumuhay ng ilang mga maimpluwensiyang preso, kabilang ang mga convicted drug lord.
Sa isang kalatas, hiniling ng NUJP sa mga opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na mahigpit na ipatupad ang patakaran sa mga preso, partikular ang mga sankot sa Maguindanao massacre na naganap noong Nobyembre 2009.
Nangangamba ang NUJP sa naging pahayag ni Maguindanao Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu na nakagagamit ng cellphone ang mga Ampatuan upang pakilusin ang mga tauhan nito sa labas ng piitan. “Dapat na seryosohin ang ibinulgar ni Governor Mangudadatu bunsod ng tangkang pagpatay sa isang prosecution witness na si Akmad Ampatuan, dating mayor ng Datu Salibo, at pagpatay sa isa pang testigo na si Dennis Sakal,” pahayag ng NUJP.
Sinabi pa ng grupo ng mga mamamahayag na ang mabagal na usad ng kaso sa Maguindanao massacre case, na itinuturing na pinaka-karumaldumal na krimen sa kasaysayan, ay maaaring makaapekto sa pagbibigay-hustisya sa pamilya at kaanak ng 53 biktima ng pamamaslang.