balita editorial dec192014

Si Manny Pacquiao ang Pambansang Kamao. Kapag lumalaban siya, humihinto ng buong bansa. Nangakatipon ang mga tao sa mga gym at basketball court upang panoorin ang laban sa telebisyon. Lumalatag ang kapayapaan hanggang sa kasuluk-sulukan ng Pilipinas. Walang insidente ng krimen, ayon sa pulisya. Lumuluwag ang mga lansangan na karaniwang nagsisikip sa trapik. Nagbunyi ang sambayanan nang mapatumba niya ang tanyag na American boxer na si Oscar de la Hoya, nang mapatulog ang British boxing star na si Ricky Hatton, at tinalo si Miguel Cotto ng Puerto Rico sa loob ng 12 round. Namighati ang bansa nang matalo siya ni American boxer Timothy Bradley at napatulog ni Mexican Juan Manuel Marquez. Ngunit bumangon siya mula sa labanang iyon na may malaking panalo kay undefeated American fighter Chris Algieri noong Nobyembre.

Hindi lamang ang kanyang mga kababayan ang sumusunod sa pag-angat ng ranggo ni Pacquiao. Naakit ang buong mundo ng Pinoy fighter na nagwagi sa 57 laban, limang talo, at nagdraw ng dalawa sa walong weight division. Ngunit nakita rin ng mundo ang pag-angat ng isa pang fighter – ang Amerikanong si Floyd Mayweather na wala pang talo sa 47 professional fight sa limang weight division.

Sa nakalipas na limang taon, nais ng mga boxing fan sa buong mundo na makita ang labanan ng dalawang kampeon. Noong 2012, may usapin tungkol sa unang sagupaan sa daigdig na may $200-milyong premyo - $100 milyon bawat isa. Nag-alok ang isang United Arab Emirates investment group ng $200 milyon upang idaos ang laban sa Dubai. Ngunit nabalewala ito nang si Mayweather at ang kanyang kampo ay nagtakda ng mga kondisyon para sa laban na parang nag-aatubili itong harapin ni Pacquiao sa ring.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Noong nakaraang buwan, matapos lumpuhin si Algieri, mula na nanawagan ang Pambansang Kamao kay Mayweather na harapin siya sa ring. Pagkaraan ng ilang araw, tumugon si Mayweather sa sarili niyang mapangahas na paghamon para sa isang labanan sa Mayo 2, 2015. ito ang unang pagkakataon na nagbigay si Mayweather ng posibleng petsa para sa laban ngunit napakarami pa rin niyang kondisyon, partikular na ang hatian sa premyo, na marami ang nagdududa na seryoso ito sa kanyang paghamon.

May limang buwan pa bago ang Mayo 2 at mangangailangan pa ng maraming pakikipagbargain bago idaos ang “fight of the century”. Noon, ang pinakamalalaking labanan ay mga heavyweight, tulad nina Muhammad Ali vs Joe Frazier sa “Thrilla in Manila” noong 1975. Ngayon, sina Pacquao at Mayweather ang nakikitang pinakadakilang mga boksingero sa daigdig.

Kung magsasagupa nga sila, panonoorin sila ng buong mundo. Sa araw na iyon, hihinto sa pag-inog ang ating bansa. isang di-deklaradong ceasefire ang lalatag sa pinakamalalayong sulok ng kapuluan. Sa lahat ng dako at mga tahanan sa buong bansa, ang mga Pilipino – hindi lamang ang mga boxing afficionado – ang kasama sa ring ni Manny Pacquiao, ang Pambansang Kamao, sa kanayng pakikipagbakbakan na hindi lamang para sa kanya kundi para sa sambayanang Pilipino.