Inalerto ng Armed Forces of the Philippines(AFP) at Philippine National Police (PNP) ang buong antas ng militar at pulisya sa posibleng pag-atake ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) dahil sa pagkakapatay sa tatlong rebelde kabilang si Kumander Kamote sa isang engkuwentro sa Maguindanao noong Miyerkules ng gabi.
Si Kumander Kamote, ay kanang kamay ni Bangsamoro Islamic Freedom Movement (BIFM) Chairman Ustadz Ameril Umbra Kato. Hindi pa nakikilala ang dalawa pang namatay na miyembro ng BIFF.
Sinabi ni 6th Infantry (Kampilan) Division Public Affairs chief Captain Joan Petinglay, sinalakay ng grupo ni Kumander Kamote ang Detachment ng 45th Infantry Battalion Philippine Army sa Barangay Labo-Labo, Shariff Aguak, Maguindanao.
Natunugan ng mga sundalo ang pagsalakay ng mga rebelde kaya nakapaghanda sila at gumanti ng putok. Minalas na unang tinamaan ang tatlong pinuno kasama si Kumander Kamote.
Tumagal ng 30 minuto ang bakbakan dahilan upang muling nagsilikas ang mga residente sa takot na madamay sa gulo.
Umatras ang mga rebelde nang matunugan ang paparating na karagdagang puwersa ng militar. Naiwan ang bangkay ni Kumander Kamote at dalawa nitong kasamahan.