SUBIC FREEPORT ZONE- Libu-libong empleado ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na ilang taon nang humihingi ng umento ang nanawagan sa agarang pagpapatupad ng Salary Standardization Law, ang batas na nagtatakda sa basehan ng suweldo sa mga manggagawa ng gobyerno.
Kinumpirma ni SBMA Director Philip Camara, sa pakikipagpulong sa ibang grupo ng mga empleado ng SBMA na nakatalaga sa iba’t ibang departamento, ang kanilang petisyon sa lupon na payagan ang implementasyon ng SSL.
Ayon kay Camara, siya at ang iba pang direktor ng SBMA na naghahangad ng reporma ay nagsampa ng resolusyon noong Disyembre upang makatanggap ng umento simula sa Enero 2015 ang 1,376 regular SBMA Plantilla employees at 1,436 empleado na nasa Contract of Service (CS).
Nabatid na noong 2011, buong pagkakaisang nagpasa ang mga direktor ng SBMA ng 10% umento para sa mga empleado ng ahensiya ngunit hindi ito inaksiyunan. Nababahala ngayon ang mga empleado na kahit may board resolution ay baka hindi na naman ito aksiyunan ni SBMA Chairman Reynaldo Garcia sa katwirang kailangang hiwalay na aprubahan ng Department of Budget and Management o ng Presidente ang naisabatas nang dagdag na minimum wage.
"Nalaman namin na ilang board members na tulad ni Camara ay naniniwalang dapat ipatupad ang SSL pero iba ang rason ni Garcia na iginigiit na kailangan pa itong aprubahan ni Pangulong Aquino at ng DBM kaya patuloy itong nade-delay,” ayon sa ilang empleado ng SBMA. “Self-sustaining agency ang SBMA na maaaring pondohan ang umento kaya hindi namin maintindihan kung bakit pinatatagal ni Garcia ang isyung ito sa kanyang termino na ang suweldo ng taga-SBMA ay 40 porsiyentong mababa sa minimum wage na itinakda sa SSL.”
Idinagdag nila na mahigit limang taon na mula ng makatanggap ng umento sa minimum wage ang mga empleado ng SBMA.
“Hintay kami nang hintay pero wala kaming nakukuhang adjustments nitong nakaraang limang taon sa aming minimum wage gayong pataas nang pataas ang presyo ng mga bilihin at iba pa naming pangangailangan,” dagdag nila. “Napakaliit ng suweldo namin kumpara sa mga pribadong kumpanya gayong mas marami kaming ginagawa pero napakababa ng aming kita sa mandatong minimum wade sa ilalim ng Salary Standardization Law.”
“Nilikha ang SBMA para magbigay ng mga trabaho at masuportahan ang mga komunidad sa paligid ng Subic Freeport at hindi upang mag-ambag ng malaking kita sa gobyerno para lamang magpapogi sa Malakanyang,” giit nila. “Nagpapasalamat pa rin kami sa suporta ng SBMA board na nakikita ang patuloy na ipinagkakait sa amin ni Garcia."