Nagwakas na rin ang masasayang araw ng isang 45-anyos na lalaki, na nagtago sa batas ng halos anim na taon dahil sa panghahalay nito sa kapitbahay nito, makaraang madakip ito sa Malabon City kamakalawa ng umaga.
Hindi na nakaporma pa sa mga pulis nang posasan si Francisco Cortezo, residente ng Block 2, Damata Street, Letre, Barangay Tonsuya ng nasabing lungsod.
Sa record ng Malabon Police, ang suspek ang itinuturong humalay sa kanyang kapit-bahay noong Agosto 2008.
Simula noon hindi na ito nagpakita sa kanilang lugar si Cortezo at hindi na rin ito dumalo sa mga pagdinig sa Malabon Regional Trial Court Branch 73 kung kaya inisyuhan na siya ng warrant of arrest ni Judge Carlos Flores sa kasong rape.
Dakong 5:00 noong Martes ng umaga, may nagtimbre sa mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon Police na nakitang pagala-gala sa kanilang lugar si Cortezo.
Hindi na nag-aksaya pa ng panahon ang mga pulis at nilusob ang bahay ng suspek na nagresulta ng pagkakadakip nito. (Orly L. Barcala)