PINURI ng mga kritiko ang action superstar na si Robin Padilla sa kanyang impressive at kakaibang role sa 10,000 Hours na entry last year sa Metro Manila Film Festival (MMFF) kaya naman siya ang itinanghal na Best Festival Actor.
Pero mukhang Robin is poised to outdo himself sa bago niyang filmfest entry titled Bonifacio: Ang Unang Pangulo.
Sa launching ng MMFF sa Sampaguita, marami agad ang na-impress sa ganda ng trailer ng pelikula. Sabi ng isang veteran writer, parang hindi gawa sa Pilipinas. Glossy at halatang pinagkagastusan talaga ng mga producer.
“Trailer pa lang ‘yun. Kasi minsan kapag nanood ka ng trailer, ‘yon na ‘yon. Pero hindi, wala pa kayong nakikita. Pasilip pa lang ‘yan. Mahaba pa ang lalakbayin ng pelikula. Pero masaya kami dahil maganda talaga ang kinalabasan ng pelikula namin. Ito ang pelikulang ipagmamalaki ng bawat isa sa atin,” ipinagkakapuring kuwento ng bida ng Bonifacio: Ang Unang Pangulo.
Mukhang ito na yata ang pinakamalaki at pinakamagastos na pelikula sa 40th Metro Manila Filmfest?
“Ay, talaga po!” mariing sagot ni Robin. “Kasi dito aabot kami ng mga P120 million na. Production kasi naman P90 million na, eh, may promo pa.
Umaasa si Robin na susuportahan ng bawat Pilipino ang kanyang pelikula lalo na’t makabuluhang ang istorya nito na tumatalakay sa kasaysayan ng ating bansa.
“Pero hindi naman kami nawawalan ng pag-asa. Na kahit papaano, eh, makabawi kami sa aming pinuhunan. Andiyan naman ‘yung mga partner natin na hindi kami pinababayaan,” paniniguro ng host ng Talentadong Pinoy ng TV5.
Nabanggit ni Robin sa interview sa kanya ang mga katagang ‘malalim ang puno, hindi madaling mabunot ang ugat,’ ano ang ibig sabihin niya?
“’Yung mga kabataan natin, ina-address ko ‘yon sa kanila. Na kapag hindi nila inaalam ‘yung kanilang pinagmulan, wala silang pupuntahan. Oo, kailangan alamin nila at ito ‘yong Bonifacio, ito ‘yong pinagmulan nating lahat, eh. Na nagi-enjoy tayong lahat dahil kay Bonifacio. Dahil sa kalayaan niyang ipinaglaban. ‘Yon ang ibig kong sabihin.
“Kasi ang mga kabataan ngayon walang alam sa pinanggalingan nila. Kapag tinanong mo sila ang mga isasagot sa iyo mga artista. Medyo malungkot ‘yon. Ang artista dapat hanggang sa TV lang ‘yan pinanonood mo, o hanggang sa pelikula lang ‘yan. Pero kapag may kinalaman na sa buhay mo, ibang usapan na,” makahulugang wika ng aktor.
Nag-iisang historical entry ang Bonifacio: Ang Unang Pangulo sa walong official entries sa gaganaping 40th Metro Manila Film Festival na magkakaroon ng festival parade sa December 23. Binoe plays Andres Bonifacio.
Bukod kay Robin, kasama rin sa cast ng pelikula sina Vina Morales, Jasmine Curtis, Isabel Oli, Junjun Quintana, Ping Medina, Cholo Barretto, at Daniel Padilla. Sa direksiyon ni Enzo Williams.