POSITIBO ang outlook sa buhay ni Senador Bong Revilla at naniniwala siya na balang araw ay makakalaya rin siya sa kanyang pagkaka-detain sa custodial office ng Camp Crame.
Isa sanang maagang pamasko sa aktor-pulitiko ang naunang desisyon ng korte na siya’y makalabas nitong nakaraang linggo, pero dalawang araw bago siya palayain ay may nakialam at nabago ang lahat.
Naniniwala si Sen. Bong na sadyang ganyan talaga ang buhay, naghahari-harian ang nasa puwesto at inaapi ang mga kalaban sa oposisyon.
Sa isang banda, itinuturing na rin niyang blessing ang nangyayari sa kanyang buhay.
“Mas nakilala ko ang Diyos, I get to read Bible almost everyday,” aniya at nagkuwento na may Bible reading sila ng kanyang kapwa actor-politician sa custodial office twice a week, si Senador Jinggoy Estrada.
“It’s a test of time, itong mga nangyayari sa akin at gaya ng sinabi ko, in God’s time, mababago ang lahat,” malumanay na pahayag ni Sen. Bong sa amin nang dalawin namin siya nina Manay Ethel Ramos at Manay Chit Ramos last Tuesday.
Sa totoo lang, nami-miss ng industriya ang mga ‘pasabog’ ni Bong tuwing dumarating ang Kapaskuhan, bonggang pa-presscon with bonggang pa-raffle kasama ang entertainment press na walang umuuwing luhaan sa tuwing nagpapatawag siya ng press party.
Nang tanungin namin si Bong sa kanyang wish sa darating na Pasko, “Sana maging matatag ang pamilya ko sa mga pinagdadaanan namin ngayon,” makahulugang sagot niya.