Hindi lamang ang tampok na All-Filipino Conference at import-reinforced na Grand Prix ang magbibigay kulay sa ikatlong taon ng pioneering na Philippine Super Liga kundi maging salpukan ng mga kampeon sa isang linggong Battle of Volleyball Champions at ang popular na Beach Volleyball sa 2015.
Ito ang inihayag ni Philippine Super Liga at SportsCore president Ramon “Tatz” Suzara para sa buong programa nila sa 2015 kung saan ay sisimulan sa Enero ang rehistrasyon para sa drafting ng mga bagong sasaling player sa liga na susundan ng pre-drafting at training camp. Isasagawa naman nila ang ikalawang drafting sa Pebrero 28.
“We already sent out application for those graduates that wanted to play in Super Liga. Come January, we will have the final list as we already have a sure 25 new players coming,” sinabi ni Suzara.
Ipinaliwanag ni Suzara na hindi mawawalan ng masasalihang koponan ang mga mag-aapply dahil sa tatlong bagong koponan ang nakatakdang sumali sa susunod na edisyon ng Super Liga.
“We have three more teams coming, one from the Pangilinan group of companies and two more from the San Miguel Group. There are other companies wanting to really put in their teams but we wanted it to limit to just eight to 10. Mahirap kasi kung marami ang team, hahaba ang tournament,” giit ni Suzara.
Mayroon na sa kasaluyang na anim na koponan ang Super Liga na binubuo ng Grand Prix champion Petron, Generika, RC Cola Air Force, Cignal HD, Foton at ang Mane ‘N Tail na magpapalit ng pangalan bilang Pocari Sweat Drinkers.
Pansamantala namang bibitawan ang torneo para sa kalalakihan kung saan dalawang beses naging kampeon ang PLDT Home TVolution noong 2013 Grand Prix at 2014 All-Filipino bago nagwagi ang Cignal HD sa 2014 Grand Prix.
Itinakda naman ang pagbubukas ng All-Filipino Conference sa Marso 8.
“We will also have a new television partner,” dagdag ni Suzara. “Mas mapapanood na ng maraming volleyball fans at supporters ang kanilang mga idolo hindi lamang sa live stream kundi maging sa free TV.”
Magiging tampok naman, matapos ang All-Filipino Conference, ang pagsasagawa ng isang linggong PSL Battle of Champions na itinakda sa Abril kung saan ay iimbitahan ang mga kampeon sa UAAP, NCAA, Shakey’s V-League, liga sa probinsiya at sa PSL.
Inihahanda rin ng PSL, sa pakikipagtulungan nina Lino Cayetano at Taguig City Mayor Ma. Laarni “Lani” Cayetano, ang pagbuo ng isang Olympic standard na beach volley sand court sa sentro mismo ng dinarayong Bonifacio Global City para sa gaganaping beach volleyball games.
“They (Cayetano’s) wanted to have a beach volley tournament at night. So ang mangyayari ay maglalagay sila ng ilaw doon mismo sa itatayong beach volley court para puwedeng paglaruan sa umaga at tournament sa gabi,” saad pa ni Suzara.