Bagong Taon, bagong kontrata at bagong proyekto.

Nagpahayag ng kahandaan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa paggagawad ng 9,278 proyektong imprastraktura ng kagawaran sa mga interesadong kontratista para sa first quarter ng 2015.

Ang dahilan: Ang inaasahang magandang lagay ng panahon.

Sinabi ni DPWH Secretary Rogelio Singson na ang bidding sa mga proyekto na nagkakahalaga ng P270 bilyon ay umuusad na sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa ilalim ng programang imprasktraktura ng gobyerno para sa susunod na taon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Dahil sa paglobo ng puhunan na ibubuhos sa imprastraktura base sa 2015 national budget, dumarami rin ang mga proyekto ng ahensiya para sa mga interesadong kontratista at kinakailangang kumilos na ang mga ito sa lalong madaling panahon, ayon pa sa kalihim.

Bigo naman ang kalihim na tukuyin ang mga proyektong ikinakasa ng kagawaran.

Subalit, ayon sa DPWH-Public Information and Assistance Division (PIAD), kabilang sa mga proyektong ito ang pagpapalapad ng Villasis-Malasiqui-San Carlos Road sa Pangasinan, upgrading ng Sta. Maria-Norzagaray sa Bulacan, Lanao del Norte Interior Circumferential Road upgrading, at rehabilitasyon ng Daywan Bridge sa Surigao-Davao Coastal Road.

Tinagubilinan ni Singson ang mga kontratista na sumunod sa mga patakaran at regulasyon sa bidding at huwag makipagkutsabahan sa mga tiwaling tauhan ng ahensiya upang paboran ang kanilang kompanya.

“Kung napapansin na nila na may nagaganap na manipulasyon ng Bids and Awards Committee na kinasasangkutan ng mga tiwaling DPWH official, maaari silang (kontratista) maghain ng reklamo sa Office of the Secretary,” giit ni Singson.