Ni LESLIE ANN G. AQUINO
Dalawang espesyal na sasakyan ang gagamitin ni Pope Francis sa kanyang pagbisita sa Maynila at sa Tacloban City sa Leyte sa Enero 2015.
Sinabi ni Fr. David Concepcion, executive secretary ng Committee on Transportation for the Papal Visit, na isa sa pope mobile ang gagamitin ng Papa sa kanyang pagbisita sa Maynila habang ang ikalawa ay sasakyan niya sa paglilibot sa Tacloban sa Enero 17.
“Naghanda kami ng dalawa dahil kung isa lang ang gagamitin naming pope mobile ay wala nang panahon upang ito ay maipadala sa Tacloban mula sa Manila. Pagdating niya nakahanda na ang pope mobile doon (sa Leyte),” ayon kay Concepcion.
Ang pope mobile ay “open” at hindi bulletproof, base sa kahilingan ng Papa.
“Wala rin itong air-conditioning unit. At dahil ito ay open (hindi nakakulong sa salamin), mararamdaman din niya ang init tulad ng mga nararamdaman ng mga residente. Kung umulan, basa rin siya,” dagdag ng pari.
Naniniwala si Concepcion na nais ni Pope Francis na marinig ang sentimiyento ng mga mamamayan at ito ay bilang patunay na nakikinig ang Simbahan.
Isa pang dahilan kung bakit open ang pope mobile ay nais ng Papa na makahalubilo ang mga residente sa mga naapektuhang lugar ng kalamidad.
“The pope wants to be accessible. He wants that whenever he sees someone or that he feels like going down he can easily go down. This is also another face of the church that the Pope wants for everyone to remember...that it’s not only vulnerable, it also listens and its also accessible,” paliwanag ni Concepcion.
Tumanggi naman ang pari na pangalanan ang nagkumpuni ng pope mobile base na rin sa kahilingan ng gumawa ng mga ito.