Tiniyak kahapon ng Malacañang na nakatutok ang awtoridad laban sa mga banta sa seguridad kasunod ng hostage crisis sa Australia.
“Lahat naman ng mga ganyang banta o panganib ay masusing tinututukan ng ating mga awtoridad sa defense establishment at intelligence community; at hindi pahihintulutan ‘yung pagkakaroon ng panganib sa ating mga mamamayan,” sabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr.
Samantala, tiniyak din ng opisyal na patuloy na nakikipag-ugnayan ang gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), sa gobyerno ng Australia kaugnay ng mga huling development sa nasabing insidente sa Sydney, Australia.
“Ipinaabot ng sambayanang Pilipino ang pakikiramay at panalangin sa mga mamamayan ng Australia dahil sa naganap na insidenteng ito. Nakikidalamhati rin tayo sa mga pamilya ng mga nasawing naging bihag ‘nung hostage taker,” ani Coloma.
Dalawa sa 17 bihag ang nasawi sa hostage drama sa loob ng kilalang Lindt Chocolate Café sa Sydney. Namatay din ang suspek, na iniuugnay sa banta ng terorismo ng grupong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS). (Madel Sabater-Namit)