Nasa isang relasyon ka ba na sa pakiramdam mo ay pawala na? Pakiramdam mo ba parang panahon na para mag-move on?
May isa akong dalagang amiga na nakakulong sa isang relationship. Ngunit ang relationship na iyon ay parang pawala na sapagkat nawala na ang maalab na pagtitinginan nilang magkasintahan. Akala ng amiga kong ito, natagpuan na niya ang lalaking para sa kanya ngunit hindi pala. Sobrang mapagmahal ang kasintahan niya, maasikaso at wala kang maipintas sa ugali nito. Ngunit ang pagkadalisay at matingkad na pagsusuyo ay kumukupas din pala, lumalabnaw ang pagtingin bunga ng kung anu-anong dahilan.
Gumugol ng maraming panahon bago nauntog at nagising ang amiga kong ito at isang araw natuklasna na lamang niya na kailangan na niyang putulin na ang kanilang relasyon at mag-move on. Gayong mapait at masakit sa damdamin ang pagmu-move on, kailangan natin itong gawin upang magkaroon tayo ng pagkakataon na tumanggap ng ibang karakter sa ating buhay. Mas madalas na nauuwi sa mabuti ang pagmu-move on.
Kaya kung ikaw ay nasa isang relasyon na parang wala nang pupuntahan, marahil nga panahon na para mag-move on. Narito ang ilang senyales na panahon na upang tapusin na ang relasyon. Maaari rin itong i-apply sa pagkakaibigan.
Panahon na upang mag-move on kapag...
- Binubuhay mo ang nakalipas kaysa mamuhay ka sa kasalukuyan. - Nire-replay mo ba ang masasayang sandali ng inyong pagsasama para lamang sumaya ka ngayon? Ginagamit mo bang dahilan ang mga iyon upang panatilihin ang inyong relasyon? Kung gayon, isang hudyat iyon na ang relasyon ay hindi ayon sa gusto mo. Mapanganib ito sapagkat hindi nito sinasalamin ang tunay na estado ng inyong pagsasama. Tandaan na ang relasyon ninyo ay nasa kasalukuyan. Ang masasayang alaala ay dapat manatili sa nakalipas at hindi dahilan ng pananatili ng inyong pagsasama. Ang iyong desisyon sa kung pananatilihin mo ba sa iyong buhay ang iyong karelasyon ay nakabase sa kasalukuyan mong damdamin para sa kanya.