ROSARIO, Cavite – Muling naglutangan ang mga patay na isda sa Malimango River kamakailan, na nagbunsod sa suspetsa sa hinala ng ilan na may kinalaman dito ang mga nakalalasong kemikal at iba pang dumi mula sa mga pabrika malapit sa ilog.

Dahil dito, muling nanawagan si Mayor Jose “Nonong” Ricafrente Jr. at ang ilang residente sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) para magsagawa ng report kung saan nagmumula ang mga nakalalasong kemikal at dumi batay sa imbestigasyon na una nang isinagawa ng kagawaran.

Ito ay matapos na muling maglutangan ang mga patay na isda, kabilang ang tilapia, sa ilang bahagi ng ilog nitong Linggo.

Una nang iniulat ng BFAR at DENR na nagpositibo ang ilog sa kemikal at dumi na nakaapekto nang masama sa mga isda at iba pang lamang dagat.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Agad na nag-imbestiga ang dalawang nabanggit na ahensiya matapos ang unang fish kill noong Setyembre 25.

May isang toneladang patay na isda ang napaulat na hinakot mula sa ilog at ibinaon sa isang malayong lote sa pampublikong sementeryo ng Rosario. Tinaya ni Ricafrente sa P1 milyon ang lugi sa fish kill.

Ang Malimango River ay isang apat na kilometrong ilog na sumasaklaw sa mga barangay ng Bagbag I at II, Tejero I at Ligtong I, II, III, IV. Ayon sa kuwento ng matatanda, sagana noon sa alimango ang ilog kaya ito tinawag na Malimango.

Sa isang ulat kay Ricafrente, sinabi ng BFAR na mababang oxygen level at maraming nakalalasong kemikal at dumi ang nagbunsod ng fish kill.

Ang BFAR, kasama ang DENR at Cavite Economic Zone Authority, ang nagsagawa ng imbestigasyon nitong Oktubre tungkol sa fish kill pero hindi pa sila nakapagsusumite ng report tungkol sa tunay na sanhi nito hanggang ngayon. (Anthony Giron)