Nagpalipat-lipat sa iba`t ibang koponan sa kanyang unang tatlong taon sa liga, mukhang nakatagpo na rin ng kanyang magiging permanenteng tahanan ang journeyman na si Vic Manuel sa Alaska nang maging komportable ito sa kanyang bagong role sa koponan.

Patunay dito ang kanyang ipinamalas na pagangat sa kanyang performance sa playoffs ng PBA Philippine Cup.

Pumasok na third ranked team sa quarterfinals, namuno ang dating forward ng Philippine School of Business Administration (PSBA) ng team-high na 13 puntos, bukod pa sa 5 rebounds at 4 assists sa kanilang 82-78 panalo kontra sa 10th seed NLEX Road Warriors sa first phase ng quarterfinals.

Tatlong araw ang nakalipas, nagsalansan naman siya ng 17 puntos at 9 rebounds sa kanilang 87-69 paggapi sa Meralco Bolts na naghatid sa Aces sa semifinals.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dahil dito ay nakamit ng 27-anyos na si Manuel ang lingguhang citation bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week sa pagitan ng Disyembre 9-14 kung saan tinalo niya ang kakamping si Dondon Hontiveros.

Nagtala si Manuel ng average na 15 puntos, 7.0 rebounds at 2.0 assists sa nasabing dalawang laro nila sa playoffs.

Hindi naman nagdalawang isip si Alaska coach Alex Compton nang sabihin na nakakuha sila ng katumbas ng isang hiyas sa nangyaring trade nila ng Air21.

“I’m really happy for Vic and he teams up with Calvin (Abueva) very well for us at the four spot,” ani Compton na tinutukoy ang kanyang manlalaro na tubong Licab, Nueva Ecija.

Unang tumuntong ng PBA si Manuel bilang manlalaro ng GlobalPort nang kunin siya ng koponan bilang ninth overall pick noong 2012 Rookie Draft.

Ngunit na-trade siya sa Meralco bago nalipat sa Air21 hanggang sa napunta sa Alaska noong nakaraang taon.

Nagsilbing humalili sa injured na si Gabby Espinas, nagawa namang punan ni Manuel ang naiwan nitong puwang sa frontline ng Aces na kinabibilangan nina Sonny Thoss at Abueva.

At patuloy siyang aasahan ng koponan sa kanilang pagsabak sa semifinals kontra sa top seed Rain or Shine.