LEGAZPI CITY – Luntian ang Pasko sa Albay dahil sa Karangahan Green Christmas Festival nito, isang buwang pagdiriwang ng Pasko, na kalakip ang ligtas na pagsasaya at wastong pangangalaga sa kapaligiran.

Tampok sa Karangahan Festival ang higanteng luntiang Christmas Tree na gawa sa buhay na halamang kamote. Pinailawan nitong nakaraang Disyembre 13, una ito sa bansa na simbolo rin ng food security program ng lalawigan.

Sa soft opening ng Karangahan, sinabi ni Albay Gov. Joey Salceda na ipinagdiriwang nila ang Luntiang Pasko ngayon batay sa totoong lagay ng mundo, dahil “Green ang kulay ng pagsulong at pag-asa, at nangangahulugan din ng kalinisan ang green.” Sa ipinalabas niyang memorandum para sa mga empleyado ng Albay at mga opisyal ng barangay nito, muling binigyang-diin ni Salceda ang kahalagahan ng “zero casualty celebration” sa Pasko.

Ayon kay Salceda, ipinahihiwatig din ng kanilang higanteng Christmas Tree na gawa sa kamote “ang ating buhay na pangarap na mailigtas sa gutom ang mahihirap.” Pangalawa ang Albay na may pinakamalaking produksiyon ng kamote sa bansa. Sinabi rin niya na ang pagtatanghal ng Karangahan Albay Green Christmas Festival, kahit katatapos pa lamang ng pananalasa ng bagyong ‘Ruby’, ay bilang pahayag na “may pag-asa ang bukas”.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ipinagbabawal din ng memorandum ang mga paputok at plastic na mga kagamitan sa dekorasyon at pagsisilbi ng pagkain, samantalang itinutulak naman ang paggamit ng organic at indigenous materials para isulong ang wastong pangangalaga sa kapaligiran at climate change adaptation.

Ayon kay Salceda, layunin ng masiglang Karangahan Festival ang ipamahagi ang Christmas spirit lalo na sa mahihirap na kabataan, at sa lahat, saan man sila naroroon, ang pagmamahal at pagmamalasakit na bahagi ng diwa ng Pasko.