Sa patuloy na pagkakaroon ng kuwestiyonableng mga probisyon sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL), malamang na idulog ito sa Supreme Court (SC).
Ang House ad hoc Committe on the BBL sa pangunguna ni Rep. Rufus Rodriguez ng Cagayan de Oro ay nagbanggit ng ilang probisyon, na kanyang pinangangambahan, na maaaring ideklarang unconstitutional ng SC. Kabilang dito ang paglikha ng isang internal audit body bukod sa Commission on Audit, ang paglikha ng isang tanggapan upang siyasatin ang mga opisyal ng Bangsamoro bukod sa Ombudsman, ang pagtatatag ng sarili nitong civil service, at ng sarili nitong poll body upang bantayan ang eleksiyon nito, na labas sa mandato ng Commission on Elections. Ang mga ito ay hindi kawangis ng mga organ ng isang autonomous region. Kawangis ng mga ito ang mga basic institution ng isang estado.
Isang probisyon na nangibabaw sa pagdinig ng komite ang nagsasabi na ang iba pang lugar sa labas ng teritoryo ng Bangsamoro ay maaaring umanib sa bisa ng isang petisyon ng mahigit sampung porsiyento ng mga mamamayan. Nangangahulugan ito na ang lugar na naaprubahan sa batas ay hindi pinal na teritoryo ng Bangsamoro. Kaya nitong patuloy na lumawak sa loob ng maraming taon – sa bisa ng petisyon ng kahit sampung porsiyento lamang ng mga mamamayan sa bagong lugar. Maaaring magdulot ito ng walang hanggang problema para sa bansa. Ano na ba ang nangyari sa rule of majority, ang pangunahing prinsipyo ng demokrasya?
Nagdaraos ng mga pagdinig ang Rodriguez committee sa iba’t ibang lugar sa bansa sa pagsisikap na makuha ang pananaw ng buong sambayanan, hindi lamang yaong mga naninirahan sa panukalang teritoryo ng Bangsamoro. Isang congressional hearing ang idaraos sa Batasan sa Quezon City sa Enero 17, 2015, kung saan ang mga opisyal ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang inimbita para sa kanilang mga pananaw hinggil sa Bangsamoro ng karibal na Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ang lahat ng pagdinig na ito ay makatutulong sa ating mga kongresista na alamin ang mga merito ng panukalang BBL na, bilang isang mahalagang programa ng administrasyong Aquino, nakatakdang aprubahan ng Kongreso. Sa nationwide hearing lamang na maririnig ang tinig ng sambayahan, sapagkat yaong mamamayan lamang ng panukalang teritoryo ng Bangsamoro ang may karapatang makilahok sa plebisito.
Sa tuluy-tuloy na pagkilos, huwag sana nating kalimutan na isa iyong isyu na nakatakdang humantong sa Supreme Court dahil sa mga katanungan sa konstitusyonalidad na inilutang. Ang paglikha ng mga organ at ahensiya na kumikilos sa labas ng kapangyarihan ng Commission on Audit, ng Ombudsman, ng Commission on Elections, at iba pang constitutional bodies ay kinukuwestiyon na rin sa mga pagdinig at ang digmaan ay nakatakdang idulog sa Supreme Court kapag inaprubahan ang batas.