Ipinag-utos ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagsasampa ng mga kasong graft and corruption laban kay dating Iloilo Governor Neil Tupas Sr. kaugnay ng umano’y over payment sa singil sa kuryente ng lalawigan na nagkakahalaga ng P4 milyon sa Green Core Geothermal, Inc.

Isinama rin sa asunto, makaraang kakitaan ng probable cause, sina Provincial Accountant Lyd Tupas, Assistant Department Head Sandra Bionat, at General Services Department Head Ramie Salceda na sinuspinde ng isang taon dahil sa Conduct Prejudicial to the best Interest of the Service at Neglect of Duty.

Ang reklamo ay kaugnay ng kontratang pinasok ni Tupas at ng National Power Corporation (Napocor) na nagpapatakbo sa Green Core para sa supply ng kuryente sa loob ng apat na taon mula Setyembre 26, 2007 hanggang Disyembre 25, 2011.

Inaasahan ang pagkakumpleto ng ipinanukalang konstruksiyon ng Iloilo Multi-Purpose Convention Center, ang supply contract ay nagbibigay ng karagdagang enerhiya mula 185,000kWh kada buwan hanggang sa 400,000kWh kada buwan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Dahil sa pagkakabalam ng konstruksiyon ng convention center noong Disyembre 2009, humiling si Tupas ng adjustment at pagbabawas ng contract energy mula 400,000kWh sa 17,000kWh kada buwan.

Bilang tugon, ginawa ng Green Core ang adjustment para lamang sa panahong sakop ng Hunyo 26, 2010 hanggang Disyembre 25, 2011.

Bilang resulta, nabayaran ang Green Core ng halagang kumakatawan sa contracted energy na 1,084,814.50kWh bagamat ang aktuwal na energy consumption ng Iloilo ay halos kalahati sa 515,180.50kWh.

May kabuuang P5.88 milyon ang binayaran para sa higit na isang milyong kWh ng Green Core bagamat ang aktuwal na nagamit ng probinsiya ay nagkakahalaga ng P1.88 milyon lang.

Sinabi ni Ombudsman Morales na ito ay nagresulta sa over payment ng halos P4 milyon para sa billing period ng Disyembre 2009 hanggang Abril 2010.

Dahil sa over payments, naglabas ang Commission on Audit ng Notice of Disallowance noong Enero 2011. (Jun Ramirez)