Habang nalalapit ang pagbisita ni Pope Francis sa ating bansa, patuloy naman ang mga ulat hinggil sa pagpapatupad ng mga reporma sa tinaguriang mga alagad ng Diyos. Marahil, ang pinakamataas na lider ng Simbahang Katoliko ay naniniwala na may mga pari na bagamat masasabing instrumento ng Diyos sa pagpapagaling ng mga karamdaman, ang ilan naman ay tila hindi nagiging epektibong tagapagpalaganap ng mga aral ng ating Panginoon.

Kamakailan lamang, inilabas ang ulat tungkol sa pagpapatiwalag ni Pope Francis sa isang pedophile Argentine priest dahil sa pagkakasangkot nito sa tinatawag na clerical abuse. Ang naturang pari ay hinatulan ng 14 na taong pagkabilanggo dahil sa pag-amin niya sa pang-aabuso sa apat na teenager. Ang desisyon ng Pope ay pinuri ng mga biktima ng pagsasamantala ng ilang alagad ng Simbahan.

Ang gayong desisyon, kung sabagay, ay naiulat na rin noong panunungkulan ng nakaraang mga lider ng Vatican. Maaaring ngayon lamang pinaiigting ang implementasyon ng mga pagbabago sa Simbahang Katoliko na binubuo ng 1.2 bilyong mananampalataya.

Sa isa pang ulat, ipinasiya ni Pope Francis ang pagtitiwalag sa isang church court official na sinasabing nagbebenta ng annulments o pagpapawalang-bisa ng kasal. Ang nakagigimbal na pahayag ay ginawa niya sa mga estudyante na dumadalo sa Roman Rota tribunal; katumbas ito ng Supreme Court for cannon law.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Tahasang sinabi ng Pope na dinismis niya ang naturang church court official dahil sa pagsasabi nito na sa pamamagitan ng 10,000 dolyar ay mapapadali niya ang annulments sa pamamagitan ng civil at ecclesiastical procedures. Hindi tinukoy ang iba pang detalye hinggil sa naturang katiwalian; sapat nang mabatid natin na nais ng Pope ang madali, mabilis at hindi magastos na pagpapawalang-bisa ng kasal, lalo na sa mga maralita at pangkaraniwang mamamayan. Hindi isang proceso na nakaukol lamang sa mga masalapi.

Ang ganitong mga reporma na isinasagawa ni Pope Francis ay sapat na upang paigtingin naman ng ating mga lider ng Simbahang Katoliko ang paglilinis sa kanilang hanay, kung mayroon pang dapat baguhin; kung mayroon pang sinasapian ng kasumpa-sumpang clerical abuse.