Hindi na ikinagulat ng mismong pinuno ng Bureau of Corrections (BuCor) sa natuklasang mararangang selda sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Lunes ng umaga nang pasukin ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang NBP para lang sana sa operasyon kontra ilegal na droga.
Pero tumambad sa kubol o kuwartong mga umano’y drug lord ang jacuzzi, sauna at music studio bukod pa sa droga, milyong cash, mamahaling relo, alahas at appliances at iba pang mga bagay na ipinagbabawal sa loob ng piitan.
Isinisi ni BuCor Director Franklin Jesus Bucayu sa malaking kakulangan sa bilang ng mga tauhan at sa sistema sa maximum security compound ang natuklasan.
“109 years na itong ating pambansang penitentiary at nagpatung-patong through the years wala namang major repair na nagawa dito,” pahayag ni Bucayu.
Pag-amin ni Bucayu, batid niya ang tungkol sa piitan ng high-profile inmate bago ang pagsalakay sa mararangyang selda sa NBP.
Dagdag pa niya, dati na siyang napadaan sa kubol ng mga convicted bigtime drug lord katulad ng kay Herbert Colangco na kasapi ng isang notorious na robbery group.
Iniutos na ni Justice Secretary Leila De Lima ang paggiba sa mararangyang kubol.
Kumbinsido naman ang direktor na may sabwatan sa pagitan ng mga ito at ilang nagbabantay sa mga lagusan ng Bilibid.