Pitong miyembro ng Manila Police District Station 10 (MPD-10) ang nahaharap sa kasong kriminal sa pagkamatay ng isang tricycle driver na kanilang pinagbabaril matapos arestuhin sa isang tupadahan sa Pandacan, Manila noong nakaraang linggo.

“Nakumpleto na namin ‘yung statement ng pamilya at ng mga testigo. Kung hindi talaga sila interesado na ibigay ang side nila sa amin, hintayin na lang nila na ipatawag sila ng piskal,” pahayag ni SPO1 Jonathan Bautista ng MPD Crimes Against Persons.

Sinabi ni Bautista na maghahain sila ng kasong reckless imprudence resulting to homicide at kasong administratibo laban sa pitong pulis-Maynila.

Ang pito ay kinabibilangan nina PO3 Shiela Marie Tadlas, PO3 Reynaldo Filipe, PO2 Orville Resuello, PO1 Rod Moralidad, PO2 Nino Anthony Alfonso, PO1 Darwin Morales, at Chief Insp. Dennis Gimena, na namuno sa pagsalakay.

National

Kilalanin ang mambabatas na nasa likod ng Death Penalty for Corruption Act

Sinalakay ng pitong pulis ang isang tupadahan sa malapit sa riles ng tren sa Plaza Guwapo, Kahilum II, Pandacan noong Disyembre 7 kung saan naaresto si Russel Biligan, 36, tricycle driver, dahil sa paglabag sa Presidential Decree 1602 (illegal cockfighting), resisting arrest, direct assault to person of authority at attempted homicide.

Ayon sa pitong pulis, inagaw umano ni Biligan ang service firearm ni Moralidad nang tangkaing tumakas ng tricycle driver sa tulong ng tatlong kasamahan ng huli, dahilan upang paputukan ito ng pulis na ikinamatay ng biktima. (Rachel Joyce E. Burce)