Aabot sa 61 ang sindikatong kumikilos sa Metro Manila, karamihan ay sangkot sa robbery/holdup, na ngayon ay kabilang sa order of battle ng Philippine National Police (PNP).
Subalit tumanggi si Director Benjamin Magalong, director ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na pangalanan ang kahit isang grupo dahil posibleng madiskaril ang kanilang operasyon laban sa mga ito.
“Karamihan sa kanila ay sangkot sa robbery, gun-for-hire, ilegal na droga at gun trafficking,” ani Magalong.
Aniya, nahihirapan ang pulisya na matukoy ang pinagtataguan ng mga sindikato dahil madalas silang magpalipat-lipat ng pinagkukutaan upang hindi matukoy ng awtoridad.
Subalit tiniyak ng opisyal na patuloy na nakikipag-ugnayan ang CIDG sa ibang ahensiya ng gobyerno upang maaresto ang mga miyembro ng sindikato sa pamamagitan ng pagpapalitan ng impormasyon at pagtutulungan sa puwersa ng pulisya hindi lamang sa Metro Manila ngunit maging sa mga kalapit na lalawigan.
Iginiit pa ni Magalong na bagamat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nakatoka sa anti-criminality campaign sa Metro Manila, pangunahing target naman ng CIDG ang paghahanap at pag-aresto sa mga wanted person at sindikato.
Base sa pinaigting na operasyon ng CIDG laban sa mga kriminal, marami na aniyang lider ng sindikato ang bumagsak sa kamay ng awtoridad.
Kabilang sa mga ito si Israel Nicolas, na lider ng sindikato sa ilegal na droga at gun-for-hire; Arnulfo Tolin, tinaguriang lider ng robbery gang na sangkot sa 18 panghoholdap sa Metro Manila; at David Gonzales, leier ng robbery group na kumikilos sa Metro Manila at karatig lalawigan. (Aaron Recuenco)