Limang impormante ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tumanggap ng halos tatlong milyong piso matapos magbigay ng impormasyon na nagresulta sa pagkakabuwag ng sindikato at laboratoryo ng droga sa bansa.
Ayon kay PDEA Director General Arturo G. Cacdac Jr., base sa ‘Operation Private Eye (OPE)’ ay tumanggap ang mga impormante ng cash reward na P2,998,358.25 sa flag raising ceremony sa PDEA National Headquarters sa Quezon City.
Nakatakip ang mukha ng mga tipster, na itinago sa mga alyas na “Omar”, “Reggie”, “Machete”, “Kulot” at “Coleen Sarmiento”, nang dumalo sa seremonya.
Pinakamalaki ang tinanggap ni “Coleen Sarmiento” na P1.5 milyon bunsod ng pagkakabuwag ng malaking laboratoryo ng droga sa Camiling, Tarlac na naging dahilan din sa pagkakakumpiska ng 16.51 kilo ng shabu at pagkakaaresto ng anim na dayuhan na pinaghihinalaang miyembro ng international drug syndicate.
Si “Reggie” ay tumanggap ng P732,414.84 pabuya matapos magbigay ng impormasyon sa PDEA sa isang laboratoryo sa Binondo, Maynila, na nadiskubre ang 10,831.30 gramo ng shabu at naaresto ang dalawang katao na umano’y nagmamantine ng pasilidad.
Aabot naman sa P581,220.69 ang tinanggap ni “Kulot” na nagbigay ng impormasyon sa pagkakaaresto sa anim na dayuhan at pagkakakumpiska ng 1,810.10 gramo ng shabu sa isang drug laboratory sa Industrial Estate Rincon sa Valenzuela City.