PINAKAUNANG naglabas ng teaser ang Quantum Films ni Atty. Joji Alonso para sa kanilang MMFF 2014 official entry na English Only, Please, starring Derek Ramsay at Jennylyn Mercado.
Unang in-upload last August 26 ang first teaser nito na agad umani ng napakaraming likes sa social media. Pagdating ng Oktubre, naging viral na ito.
Sa ngayon, ang English Only, Please lang from among the eight competing films sa 40th Metro Manila Film Festival (magsisimula na sa Christmas Day, December 25) ang umabot na sa mahigit isang milyong views sa Facebook at more than half a million views naman sa YouTube.
Unang silip pa lang namin sa trailer 1 ng movie, humahagalpak na kami sa tawa lalo na ‘yung eksenang pasakay ng jeep si Jennylyn (gumaganap bilang Tere Madlansacay). Aliw at isa lang ito sa mga eksenang kababaliwanan ng mga manonood.
Mukhang jackpot ang Quantum Films sa pinag-uusapang English Only, Please sa magkatuwang na panulat nina Antoinette Jadaone (writing credits: Six Degrees of Separation from Lilia Cuntapay, Relaks, It’s Just Pag-ibig, That Thing Called Pag-ibig) at Anj Pessumal, sa direksyon ni Dan Villegas. Trailer pa lang, pinag-uusapan na!
First time makatrabaho ng Kapuso actress si Derek at sabi niya, okay naman daw ang aktor.
“Mabait si Derek. Very professional,” sabi ni Jen, at idinagdag na walang ilangan sa kanilang dalawa. “First day pa lang namin, nanloko agad ako sa kanya. Niloko ko siya, mayroon kaming parang screen test sa first day namin.
“So, niloloko ko siya. Sabi ko, ‘alam mo, okay lang, huwag kang mahiyang lumapit sa akin,’ ginaganu’n ko siya. ‘Tapos si Derek, tawa lang nang tawa,” kuwento ng aktres.
Kaya naman klik na klik nga sa fans at netizens ang unang tambalan nina Derek at Jennylyn, tiyak na naramdaman ng audience na komportable sa isa’t isa ang kanilang pinanonood sa set.
Ang English Only, Please ang nag-iisang rom-com sa taunang Metro Manila Filmfest. Kasama nina Jen at Derek sa movie sina Kean Cipriano, Tom Rodriguez, Isabel Oli at marami pang iba.