Pinaalalahanan ng toxic watchdog group na EcoWaste Coalition ang publiko sa pamimili ng pangregalo ngayong Pasko at Bagong Taon, partikular na ang laruan, dahil sa posibilidad na nagtataglay ito ng nakalalasong kemikal.

Ayon kay Thony Dizon, coordinator ng Project Protect ng EcoWaste Coalition, may 100 iba’t ibang uri ng madalas na ipangregalo tuwing Pasko ang sinuri nila kamakailan laban sa nakalalasong kemikal gamit ang X-Ray Fluorescence (XRF) device.

Sa nasabing bilang, 57 ang natukoy na may mataas na antas ng lead, cadmium, at arsenic, na masama sa kalusugan.

Ang mga mapanganib na kemikal na ito ay nakita sa mga coffee mug at baso na nabili sa Divisoria sa Maynila, Cubao at Commonwealth Market sa Quezon City, at Baclaran sa Pasay City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“We advise consumers not to shop for poison gifts. To get the best value for our hard-earned money, we need to assert our inherent rights as consumers for product information and safety, including the chemical contents of a product and their effects to health and the environment if any,” payo ni Dizon sa publiko.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang lead, cadmium at arsenic ay kabilang sa “ten chemicals of major public health concern.”

Ang lead, na natukoy sa 44 na item, ay kilalang neurotoxin na umaatake sa nervous system.

Paliwanag ng WHO, ang mga bata ang pinakadelikado sa masamang epekto ng lead, dahil maaari itong magdulot ng neurological damage.

Kasama sa top ten gift items na sinuri ng EcoWaste at nakakuha ng pinakamataas na lead content ay ang yellow water thermos jug with duck design, 53,800 ppm; Mango glass bottle, 41,700 ppm; Mickey Mouse coffee mug with spoon, 35,100 ppm; Angry Bird coffee mug, 23,200 ppm; Mickey Mouse tall glass, 22,100 ppm; beer mug with dice and bottle opener, 21,200 ppm; Angry Bird pigs big mug, 20,100 ppm; Winnie The Pooh coffee mug with spoon, 19,700 ppm; SpongeBob coffee mug with spoon, 19,400 ppm; at Grizzlies’ Duck mug with lid, 15,500 ppm.