BACOOR, Cavite – Inaresto ng pulisya ang isang company driver dahil sa pananaksak sa asong kumagat dito sa Camella Homes Springville East Subdivision sa Barangay Molino III sa lungsod na ito.

Dinakip si Roel Sandico Cortez, 42, driver ng Almanza Stainless Works Co., at dinala sa himpilan ng pulisya ng mga opisyal ng barangay matapos ireklamo ng kapitbahay niyang si Michael Agdeppa de Jesus, 33, isang school service driver.

Nagtamo ng mga saksak sa katawan ang aso ni De Jesus na isang itim na American Pitbull Terrier at agad na dinala sa city veterinary clinic para gamutin.

Sinabi ni Supt. Rommel C. Estolano, hepe ng Bacoor City Police, na lasing umano si Cortez nang pagsasaksakin ang aso.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Napaulat na pinalabas ni Cortez sa kulungan ang aso, nang hindi nalalaman ni De Jesus, para pakainin ito pero kinagat ng hayop ang kamay ng suspek.

Dahil nag-lock ang kagat ng aso, napilitan si Cortez na pagsasaksakin ang hayop gamit ang kutsilyong hawak niya.

Sinabi naman ni Estolano na nagkasundo sina De Jesus at Cortez na aregluhin na lang ang usapin makaraang mag-usap ang mga ito sa himpilan ng pulisya. (Anthony Giron)