Ang pamumugot sa isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Saudi Arabia noong Biyernes ay muling nagpatindi ng mahirap na situwasyong kinasasadlakan ng marami nating kababayan na marangal na naghahanapbuhay para sa kani-kanilang pamilya.

Nakasuhan sa salang pagpatay ang isang Carlito Nunez Lana noong 2010 dahil sa pagpaslang sa kanyang employer, isang Arabo, bunga ng umano’y self-defense. Ang pagpatay kay Lana noong nakaraang linggo ang ikinabigla ng lahat, at nagparatang ang Migrante International na hindi siya binigyan ng gobyerno ng sapat na legal assistance.

Si Lana ang ikaanim na OFW na binitay sa Saudi Arabia sa panahon ng administrasyong Aquino, ayon sa Migrante. Magdaraos ito ng isang kilos protesta sa Mendiola sa Disyembre 18, International Migrants’ Day, kung saan mananawagan ito para sa pagbibitiw ni Pangulong Aquino dahil sa kabiguan ng gobyerno na iligtas si Lana.

Itinanggi ng Malacañang ang paratang ng kawalang aksiyon, sinabi na kumilos ang Embahada ng Pilipinas sa Riyadh na kumuha ng serbisyo ng isang Saudi law office para sa paglilitis. Si Pangulong Aquino mismo ang sumulat ng liham kay King Abdullah bin Abdul Aziz, humiling na tulungan nitong kumbinsihin ang mga kamag-anak ng biktima na pasukin ang isang areglo kay Lana at pamilya nito. Ngunit lumitaw na hindi ito umubra.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Nagkaloob ang gobyerno ng legal aid at iba pang serbisyo kay Lana at pondo mula sa Migrant Workers Act ngunit sinabi ng Department of Foreign Affairs na mayroong limitasyon sa halaga ng ayuda na pinahihintulutan kada OFW na nasasangkot sa problema. Kaya sa nakalipas, si Vice President Jejomar Binay, Presidential Adviser on OFW Concerns, ay kinailangang mangalap ng ayuda mula sa pribadong partido upang makabuo ng pondo para sa “blood money” na iaalok sa mga pamilya ng mga biktimang Arabo nang maiwasan ang pagbitay.

Si Lana ay hindi ang unang OFW na binitay sa labas ng bansa, at hindi rin siya malamang ang huli. Ayon sa Migrante, may 123 iba pang OFW ang nasa mga death row sa iba’t ibang bansa, kasama ang 7,000 iba pang nakakulong dahil sa iba pang krimen. Mayroon tayong milyun-milyong OFW sa lahat ng sulok ng daigdig ngayon at hindi malayong may ilan sa kanila ang maaaring lumabag sa mga lokal na batas.

Aasa na lamang tayo na balang araw umusad na progreso ng ating bansa na mayroon nang sapat na hanapbuhay para sa ating lumalagong populasyon. Umunlad na ang ating sektor ng serbisyo, partikular sa larangan ng turismo at business outsourcing, ngunit mas mainam kung mapauunlad natin ang sektor ng agrikultura at industriya.

Sa mga nalalabing taon ng administrasyong Aquino at sa susunod na administrasyon pagkatapos ng eleksiyon sa 2016, ito dapat ang pangunahing alalahanin ng ating gobyerno bilang bahagi ng isang pangkalahatang programa laban sa kahirapan. Kapag dumating ang araw na marami nang trabaho, hindi na tayo magdurusa sa pagkakawalay sa ating mga pamilya, sa napakarami nating kababayan ang nagkakaproblema sa ibang bansa, sa marami-rami nang nabibitay na nagdudulot ng matinding kapighatian hindi lamang sa mga naiiwang pamilya kundi sa ating lahat bilang isang bansa.