Muling bubuksan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Roxas Boulevard para sa mga cargo truck ngayong panahon ng Pasko base sa kahilingan ni Cabinet Secretary Rene Almendras, pinuno ng Cabinet Cluster on Port Congestion.

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na maaaring dumaan ang mga cargo at delivery truck sa Roxas Boulevard simula bukas, Disyembre 17, hanggang Disyembre 22 at tuwing magaan ang trapik simula 12:00 ng hating gabi hanggang 5:00 ng umaga.

“Maaaring gamitin ng mga truck ang northbound at southbound area,” ayon kay Tolentino.

Aniya, ito ay upang mabawasan ang mga naiipit na kargamento sa port area sa Manila.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Bunsod ng Christmas rush, umapela rin si Tolentino sa mga trucker na ikonsidera sa kanilang pagbiyahe ang Disyembre 19, dahil ito ay ang huling Biyernes bago ang Pasko at inaasahang magbubuhol-buhol ang trapik sa Metro Manila.

“More people still will do their last-minute and truckers’ presence may worsen traffic congestion along Slex-Magallanes, Makati area, Buendia, Vito Cruz and Pasong Tamo Extension,” paliwanag ng MMDA chairman.

Inihayag din ni Tolentino na maaaring tahakin ng mga truck ang mga dati nilang ruta ng 24 oras.

Mula port area patunong Cavitex, maaaring dumaan ang mga truck sa Bonifacio Drive, kumaliwa sa P. Burgos, Finance Road, Ayala Boulevard, kumanan sa San Marcelino, kaliwa sa South Luzon Expressway patungo sa kanilang destinasyon.

Mula Cavitex patungong port area, maaaring dumaan ang mga truck sa Governor’s Drive patungong SLEX, kumanan sa President Quirino Avenue, kumaliwa sa Plaza Dilao, kumanan sa President Quirino Avenue Extension, kumaliwa sa UN Avenue, kumanan sa Romualdez St., kumaliwa sa Ayala, Finance Road, P. Burgos, kumanan sa Bonifacio Drive patungong port area.