GENERAL SANTOS CITY – Sa sobrang galit ng isang ama ay personal niyang isinuplong sa mga pulis ang kanyang anak at mga kasama nito na naaktuhan sa pot session sa Norala, South Cotabato nitong weekend.
Sinabi ni Willie Canario, 60, sepulturero sa pampublikong sementeryo ng Norala, na hindi na niya makaya pa ang pagkalulong sa ilegal na droga ng anak niyang si Zharkuv Canario, 30, kaya naman gumawa siya ng paraan para maisumbong at maipaaresto sa mga pulis ang anak.
Nagpatulong si Willie kay Councilor Teodoro Denonong, na nag-utos sa pulisya para dakpin si Zharkuv at mga kasama nitong sina Ryan Nuñez, 26; at Ricardo Guintibano, habang nagpa-pot session ang mga ito.
Sinabi ni Denonong na nakumpiska rin ng mga pulis ang ilang sachet ng shabu at drug paraphernalia mula sa mga suspek.
Nakapiit na ang tatlo sa himpilan ng Norala Police at kinasuhan na sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act).(JOSEPH JUBELAG)