Laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)

7 p.m. Ginebra vs. Talk ‘N Text

Matuldukan ang matinding hamong kinakaharap kontra sa Talk ‘N Text ang tatangkain ngayon ng crowd favorite Barangay Ginebra San Miguel para sa hinahangad nilang pagusad sa semis sa pagtutuos nila sa knockout phase sa quarterfinal round ng PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Naitakda ang nasabing pagtutuos ng dalawang koponan nang talunin ng No. 4 seed Tropang Texters ang Barako Bull, 105-76, sa unang yugto ng playoffs habang pinataob naman ng Kings ang nakatunggaling Globalport, 95-78.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Para sa Kings, isang napakalaking hamon para sa kanilang misyon na umusad sa susunod na round kung saan naghihintay na lamang ng kalaban ang mga outright semifinalist na Rain or Shine at San Miguel Beer. Ang Tropang Texters ay nagtataglay sa kasalukuyan ng malalim na bench at bilis.

Bentahe rin para sa Talk ‘N Text na nakikita ni coach Jeff Cariaso ang kanilang “chemistry”.

“Talk ‘N Text is very good in terms of understanding what they do; they’re very experienced,” ayon kay Cariaso. “This team, their core, has been together for a long time. Hopefully it comes down to the last two minutes.”

Bukod dito, ang pagiging knockout game ng nasabing laban ang lalo pang nagpabigat dito, ayon naman kay playmaker Joseph Yeo.

“Itong Talk ‘N Text game talaga ang best test kasi mahirap ito, knockout,” ayon kay Yeo. “At least kapag nakalagpas kami rito, ‘yung semis best-of-seven na.”

“Kung malalampasan namin ito, hindi ko naman sinasabing we can go all the way, but maganda ‘yung tsansa. Maganda ‘yung magiging confidence ng team going to the semifinals kapag tinalo namin ‘yung Talk ‘N Text,” dagdag naman ng kanilang kapitan na si LA Tenorio.

Sa kabilang dako, hindi naman kaila para kay Tropang Texters coach Jong Uichico kung gaano kabigat na kalaban ang Ginebra.

“Hindi lang kasi sila ‘yung kalaban, malaking bagay din ‘yung crowd factor. So we have to be more focus on the game,” ani Uichico.

Ang magwawagi sa labang ito ang siyang makakatunggali ng No. 2 seed San Miguel Beer sa semifinals habang ang magwawagi naman sa pagitan ng Alaska at ng Meralco na kasalukuyang naglalaban habang isinasara ang pahinang ito kahapon ang siyang makakatapat ng top seed na Rain or Shine.