NAG-NINANG ako sa kasal ng anak ng isang amiga. Naging matagumpay ang pag-iisang dibdib ng mga ikinasal sa harap ng altar sa isang simbahan sa Makati City. siyempre, kasunod na niyon ang marangyang reception na idinaos sa isa ring sikat at mamahaling restaurant. Perfecto ang lahat – ang pagkain, ang sounds, ang serbisyo ng mga waiter, lalo na ang ambience ng lugar na talagang nakahahalina. ang nakasira lamang sa okasyon ay ang babaeng emcee. Magaling siyang mag-English ngunit wala naman akong maintindihan sa totoo lang sapagkat bukod sa napakabilis niyang magsalita, walang kakuwentakwenta ang kanyang mga pinagsasabi. Hindi ko lang alam kung may susunod pa siyang reception kung kaya ganoon na lamang ang kanyang performance.

Ikaw rin mararanasan mong matapat sa isang speaker na mahirap pakinggan, dahil marahil sa tinig nito o hitsura, o talagang napaka-boring ng kanyang paksa o sadyang walang halaga ang kanyang sinasabi. dahil dito, nagbibingibingihan na lamang tayo; kinakalikot natin ang ating cellphone, o nagkukutkot na lang ng mga kuko o ngumingiti sa malayong flower vase, o hingutuhan ang katabi mo basta huwag lang nating marinig ang nagsasalita.

Ngunit wala sa mga nakinig kay Jesus ang inantok, o nagkutkot ng kuko, o tumingin sa malayong flower vase o nanghinguto sa katabi. Nakinig sa kanya ang madla buong araw, ni ayaw umihi o magmeryenda man lang. sinundan ang Panginoon kahit saan siya magpunta, hangad na makinig pa sa Kanyang mga pangaral. Ito ay hindi dahil maayos siyang magsalita o pogi siya kundi dahil tunay ngang namamangha ang madla sa mga paksa na Kanyang mga sinasabi. sinisikap ng mga tao na alamin ang nakatanim na kahulugan ng bawat pangaral. Malimit na lumilikha ng kontrobersiya ang mga pangungusap ni Jesus. Minsan naman, may sinasabi si Jesus sa tao na mahirap gawin. Marami rin ang natakot sa Kanyang mga kuwento sapagkat naroon ang katotohanan, at nangungusap siyang may kapangyarihan na nagpapatindig ng mga balahibo. Nakapagdudulot ng ginhawa at pagkabalisa ang mga salita ni Jesus; ng paghatol at ng kaligtasan. Walang ibang nakapagsasalita na tulad ni Jesus. at wala nang pangaral na mas mahalaba pa kundi ang Kanya.
National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!