Iminumungkahi ni Quezon City Rep. Winston Castelo na ipagkaloob na lang ang unclaimed lotto prizes na nagkakahalaga ng P3.35 billion sa Department of Social Work and Development (DSWD) upang pondohon ang mga programang pangkabuhayan at sosyal nito.

Naghain si Castelo ng House Bill 5257 na nag-aatas sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na isalin o ibigay nito ang di-inaangking premyo ng lotto.

“The effective and efficient disposition of significant financial resources to benefit rightful beneficiaries and families will further boost the mandate of DSWD. After all, these accumulated unclaimed prizes are deemed already incurred after the one year expiry,” ayon kay Castelo.

Binanggit niya na noong 2011, dalawang major prizes para sa solo winners ang hanggang ngayon ay hindi pa rin kinukuha.

'Impeach Sara!' Ilang progresibong grupo nagkilos protesta sa harap ng Kamara

Ang isa ay P23.7 million jackpot prize para sa 6/42 Regular Lotto draw noong Marso 15, 2011 na naipagbili sa isang lotto outlet sa Binondo, Manila.

Ang pangalawa ay para sa 6/45 Mega Lotto draw noong Marso 25, 2011 na ang winning ticket ay naipagbili sa Harrison Plaza, Manila.

“In fact, a total of P3.35 billion worth of lottery prizes, accumulated from 2006 to 2013 were unclaimed from the PCSO as revealed during a House Committee on Games and Amusement hearing,” ani Castelo.