Napigilan ng mga tauhan ng Bureau of Fire ang isang lalaking lango sa ipinagbabawal na droga na nagtangkang tumalon mula sa itaas ng gusali ng Farmers Plaza sa Araneta Center, Cubao sa Quezon City noong Sabado ng umaga.
Base sa report ni P/Supt. Wilson Delos Santos, hepe ng Cubao Police Station 7, kinilala ang umano’y drug addict na magpatiwakal na si Niel Anthony Atanque, 28, walang trabaho, nakatira sa Bagong Silang, Caloocan City.
Si Atanque ay nakapiit ngayon sa detention cell ng Cubao Police Station makaraang sampahan sa korte ng kaukulang kaso.
Lumitaw sa imbestigasyon, dakong 5:00 ng umaga nang mamataan si Atanque sa tuktok ng gusali ng Farmers Plaza sa Araneta Center sa Cubao at tatalon.
Dahil dito, napilitan na isara ng mga tauhan ng MMDA ang loading bay sa northbound ng EDSA sa tapat ng Farmers Plaza.
Ilang saglit, agad rumesponde ang mga kawani ng Bureau of Fire kung saan inakyat nila si Atanque , agad tinalian at ligtas na naibaba.
Sa himpilan ng pulisya,nabatid na positibong naka shabu si Atanque at sinabing may mga lalaking humahabol sa kanya at tatalon sana siya sa naturang gusali para takasan ang mga ito.
Nabatid pa sa pagsisiyasat ng pulisya, si Atanque at mga kasamahan sa trabaho ay bumabatak ng shabu bago nagsiuwian.