HOUSTON (AP)– Naglista si Dwight Howard ng 26 puntos at 13 rebounds sa kanyang pagbabalik mula sa injury habang nakakuha ng triple double si James Harden sa pagkuha ng Houston Rockets ng 108-96 panalo kontra sa Denver Nuggets kahapon.

Si Howard, na hindi nakapaglaro sa huling 11 laro dahil sa strained right knee, ay nakaabot din sa isang milestone nang maitala ang 10,000 rebounds sa kanyang career.

Nakapagpatala si Harden ng 24 puntos, 10 assists at 10 rebounds para sa ikatlong triple double sa kanyang career.

Muntik na niyang hindi makuha ito, nahatak ang ika-10 rebound na kulang 1 segundo bago magtapos ang laro.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Si Ty Lawson ay nagtapos na may 19 puntos at 12 assists habang season-high na 20 puntos naman para kay Darrell Arthur para sa Nuggets.

Naghabol ang Houston ng 14 puntos sa first half bago naagaw ang kalamangan sa malaking second quarter at hindi na ito pinakawalan sa kabuuan ng laro. Lumamang sila ng pitong puntos sa pag-uumpisa ng fourth quarter at pinalawig ang abante sa 92-77 sa kalagitnaan ng period.

Medyo nag-alala si coach Kevin McHale sa kung paano ang magiging pagpapakita ni Howard makaraang huling maglaro noong Nobyembre 11. Pinatunayan naman ng All-Star center na walang dapat ikabahala sa kanyang naging performance.

Pinlano ni McHale na gamitin lamang siya ng 20-24 minuto ngunit umabot ito ng 30.

Nakakuha rin si Howard ng 3 blocks, 2 assists at 1 steal.

Nakaiskor si JJ Hickson ng unang basket sa second half upang palapitin ang Nuggets sa 4 puntos. Ngunit nakuha ng Rockets ang sumunod na 8 puntos, salamat sa mga tres ni Harden at Trevor Ariza upang itala ang 62-50 kalamangan, may 10 minutong nalalabi sa third period.

Ginawa itong 72-59 ni Howard sa kanyang layup sa natitirang 5 1/2 minuto sa third quarter. Na-outscore ng Denver ang Houston, 14-8, sa kabuuan ng quarter upang tapyasin ang kalamangan sa 80-73 papasok sa huling yugto.

Naghabol sa 14 puntos ang Houston, may walong minuto bago ang halftime, bago ang kanilang 21-4 run upang kunin ang 47-44 abante sa huling 2 1/2 minuto ng quarter patungo sa 54-48 na bentahe sa halftime.

Resulta ng ibang laro:

Golden State 105, Dallas 98

Portland 95, Indiana 85

Orlando 100, Atlanta 99

Brooklyn 114, Charlotte 87

Milwaukee 111, LA Clippers 106