Mga laro ngayon: (Marikina Sports Complex)

10 a.m. Cebuana Lhuillier vs. AMA University

12 p.m. Jumbo Plastic vs. Cagayan Valley

2 p.m. Café France vs. Hapee

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Mapanatiling walang bahid ng dungis ang kanilang mga imahe at tumatag sa pagkakaluklok sa unang dalawang puwesto ang kapwa target ng Hapee Toothpaste at Cagayan Valley sa dalawang magkahiwalay na laro ngayon sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants Cup sa Marikina Sports Complex.

Parehas na mabigat na pagsubok ang nakatakdang kaharapin ng dalawang koponan kontra sa mga itinuturing nilang matinding kalaban, ang Jumbo Plastic para sa Rising Suns sa ikalawang laro sa ganap na alas-12 ng tanghali at ang Café France para naman sa Fresh Fighters sa huling laban sa ganap na alas-2:00 ng hapon.

Una rito, magtutuos sa unang laban ang Cebuana Lhuillier at ang AMA University sa ganap na alas-10:00 ng umaga.

Kasalukuyang okupado ng Hapee at Cagayan ang 1-2 spot sa team standings kung saan ay taglay nila ang malinis na kartadang 6-0 at 5-0 (panalo-talo), ayon sa pagkakasunod.

Gayunman, kapwa hindi kampante ang dalawang koponan sa kanilang tsansa kontra sa kanilang mga katunggali.

“Mahirap, malakas din ang Café France. I can say that they also have a complete line-up and really tough on defense,” pahayag ni Hapee coach Ronnie Magsanoc.

Sa panig naman ng kanilang mga katunggali, aminado naman si coach Egay Macaraya ng Bakers na mahirap tapatan ang Hapee.

“Talagang malakas, man-for-man hindi kami puwedeng mag-match-up, pero bilog ang bola, so we still have a chance. Basta we will give them a good fight,” ayon kay Macaraya. Ganito rin ang nasa isip ni Giants coach Steve Tiu patungkol naman sa Cagayan Valley na mas lalo aniyang lumakas dahil sa pagdating ng Fil- Tongan na si Moala Tautuaa.

“Wala talaga kaming puwedeng i-match sa kanya (Tautuaa). Sigurado mahihirapan kami lalo pa may mga injured kaming players,” ani Tiu na tinukoy ang mga nasa injured list na sina Maclean Sabellina at Jan Colina.

Samantala, kasalukuyan namang nakaluklok ang Café France at ang Jumbo sa ikatlo at ikaapat na puwesto, ayon sa pagkakasunod, na hawak ang kartadang 5-1 at 5-2 (panalo-talo).

Sa kabilang dako, sa unang laban, magtatangka namang magpakatatag sa ikalimang posisyon ang Cebuana Lhuillier (3-3) sa pagsagupa sa nagiinit sa ngayon na AMA University na hangad naman ang kanilang ikatlong sunod na panalo na mag-aangat sa kanila mula sa kinalalagyang ikaanim na puwesto kasalo ang Tanduay Light na taglay ang barahang 3-4.