Iniuwi kahapon ng Chelsea Football Club at Xavier School ang mga nakatayang korona sa ginanap na dalawang araw na kompetisyon sa Girls Under 16 at Girls Under 14 ng 1st Women’s Football Festival sa Rizal Memorial Football pitch.
Winalis ng Chelsea ni coach Roberto Caburol ang lahat ng laro sa single round robin elimination upang tanghaling kampeon sa Under 16 habang itinala ng Xavier ang 4 na panalo at 2 draws upang hablutin ang titulo sa Under 14 sa unang torneo para sa kababaihan na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Halos lahat ng mga kasaling teams ay nagsabi sa atin na sana ay ipagpatuloy ng PSC ang torneo kahit na isa sa loob ng isang buwan para lamang magkaroon sila ng mga competition na magagamayan nila ang kanilang mga sarili at mayroon silang pagkakaabalahang aktibidad,” sinabi ni PSC Commissioner Akiko Thomson-Guevarra.
Tatlong koponan ang naglalaban sa Under 14 na kinabibilangan ng Atletico Diliman, DLSU Zobel at Xavier School habang pito naman sa Under 16 na kinapapalooban ng Atletico Diliman, Mabuhay FC, GK-Sipag, Nomads FC, Greyhounds FC, Chelsea FC at ang GK-Smokey Mountain.
Itinala ng Chelsea ang kabuuang 5 panalo at 1 draw kung saan ay sumalo sila sa pumangalawang Nomads sa natipong kabuuang 15 puntos. Gayunman, ibinulsa ng Chelsea ang korona bunga ng aggregate goal na 39 kumpara sa 26 ng Nomads. Pumangatlo naman ang Mabuhay FC na may natipong 10 puntos.
Tinanghal na Most Valuable Player (MVP) sa Under 16 si Alisha del Campo na siya din naging Best Striker sa torneo sa pagpasok ng 19 na goals. Ang kakampi nito na si Yasmin Eluria ang tinanghal na Best Goalkeeper, Best Defender naman sina Joanna Almeda at Best Striker si Anna Hill ng Nomads. Fair Play awardee ang GK-Smokey Mountain Team.
Tinanghal naman na Most Valuable Player (MVP) sa Under 14 si Tracey Lim habang Best Goalkeeper ang kakampi nito na si Darryl Tangco, Best Defender si Alexa Maclang, Best Striker si Anya Fuentes ng Xavier habang Best Midfielder si Yanna Arastia ng De La Salle-Zobel. Fair Play awardee naman ang Atletico Diliman Football Club.
“Nagpapasalamat po kami sa PSC for starting this program for the girls. Magagamit po ito ng ating kababaihan hindi lamang para matuto ng laro kundi sa kanila ding kinabukasan bilang mga scholar ng school at maging sa asam nila na maging miyembro ng national team sa 16 Underat 14 Under,” sinabi naman ni Caburol.