Isang 28-anyos na lalaki, na sinasabing drug addict, ang nagpatiwakal sa pamamagitan nang pagbibigti bunsod umano ng labis na depresyon dahil sa problema sa pamilya at kawalan ng hanapbuhay sa loob ng isang abandonadong bahay sa Sta. Ana, Manila kahapon.
Dakong 7:30 ng umaga nang matanaw ng isang bata sa beranda ng isang abandonadong bahay sa 2429 Leiva St., Sta. Ana, Manila, ang nakabigting si Francis Gomez, residente ng 2433 Leiva St. Isang kumot na ipinulupot sa leeg at itinali sa kisame ang ginamit ng biktima sa pagkitil ng kanyang buhay.
Batay sa imbestigasyon ni PO3 Marlon San Pedro, ng Manila Police District-Homicide Section, nabatid na naniniwala ang pamilya ng biktima na depresyon ang dahilan ng suicide.
“Kasi drug addict ‘yong victim, pinarehab daw ‘yan baka gumamit na naman ulit. Hindi nga daw nila binibigyan yan ng pera,” kuwento ni San Pedro.
Tumanggi naman ang pamilya ng biktima na paimbestigahan pa ang krimen habang iginigiit na walang foul play sa insidente.