Kapwa napanatili ng University of Santo Tomas (UST) at Adamson University (AdU) ang kanilang kapit sa ikalawang posisyon makaraang magwagi sa kanilang laban kahapon sa men’s division ng UAAP Season 77 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Ipinakita ng Tigers ang pangil kung bakit sila kinukonsiderang matinding title contender ngayong taon makaraang padapain ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws sa loob ng apat na sets, 22-25, 25-19, 27-25, 25-22.

Nagtala ng 21 hits at 3 blocks para sa kabuuang 24 puntos, maliban pa sa 6 na digs, si Tigers team captain Mark Gil Alfafara upang pamunuan ang nasabing ikaapat na panalo ng UST sa loob ng limang laro.

Nag-ambag naman ang kapwa beteranong hitter na si Romnick Rico na nagposte ng 14 hits at tig-3 blocks at aces na nagresulta ng mahusay na pagsi-set ng kanilang setter na si Paul Kerby Castillo na nagtala ng 29 na sets, kasingdami ng kabuuang team sets na itinala ng Tamaraws.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa kabilang dako, namuno naman sa naging balanseng scoring para sa Tamaraws si Franco Camcam na tumapos na may 10 puntos.

Dahil sa kabiguan, nanatili ang Tamaraws sa ikaapat na puwesto na hawak ang barahang 2-3 (panalo-talo).

Sa ikalawang laro, nakaungos naman ang Adamson Falcons sa isang dikdikang 5-setter, 25-16, 22-25, 25-20, 21-25, 15-13, kontra sa De La Salle Green Spikers para sa kanilang ikaapat na tagumpay kontra sa isang kabiguan.

Umiskor si Bryan Saraza at Michael Sudaria ng tig-19 puntos habang nag-ambag naman si Jerome Sarmiento ng 16 puntos upang pangunahan ang naturang panalo ng Falcons.

Sa kabilang dako, tumapos naman na top scorers para sa La Salle na bumaba sa barahang 1-5 sina Red Christensen, Bernard Dumago at Aaron Calderon na nagsalansan ng 14,13 at 12, ayon sa pagkakasunod.