Inilunsad ng pulisya ang manhunt operation laban sa mga suspek na pumatay sa retired police na umano’y sangkot sa Aman Futures Philippines pyramiding scam sa Barangay Santiago, Iligan City noong Biyernes ng gabi.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Iligan City Police Office, ang biktima ay kinilalang si Amor Masbud, retiradong police Colonel, na umano’y agent ng scam na dating pinatakbo ng tumatayong founder ng grupo na si Manuel Amanlilio.

Sinabi ni Deputy Director for administration Police Supt Gervacio Balmaceda, na mayroong nakipagkita kay Masbud nang tambangan ito ng isang hindi kilalang lalaki sa Barangay Santiago sa nasabing lungsod.

Sinabi ni Balmaceda na kabilang sa iniimbestigahan nilang anggulo ay ang kabiguan ng biktima na maibalik ang tinatayang P80 milyon hanggang P100 milyon mula sa kanilang dating investors.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon pa kay Balmaceda, maaaring isa sa mga investor ni Masbud ang pumaslang dito dahil hirap itong maisauli pa ang perang nalustay mula sa mga naging biktima sa pyramiding scam.

Iniyahag naman ng pulisya na walang humpay ang kanilang ginagawang follow-up operation para mahuli ang mga taong nasa likod ng krimen upang managot sa batas.

Napag-alaman na umaabot na sa P12 bilyon investment capital ang nalustay ng Aman Futures Philippines kung saan ang karamihan sa mga biktima ay nagmula sa mga lalawigan na sakop ng Region 9, 10 at Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).