Ni JONAS TERRADO

Hinadlangan ni Rafael Poliquit ang hangarin ni Eduardo Buenavista para sa record-tying sixth title makaraang tanghalin bilang surprise winner ng prestihiyosong 38th National MILO Marathon Finals na nagsimula at nagtapos kahapon sa SM Mall of Asia grounds.

Nakuhang humiwalay ng 25-anyos na tubong Tagum mula kay Buenavista sa kahabaan ng Ayala kung saan ay may nalalabi pang 10 kilometro bago tumawid sa finish line kung saan ay naorasan siya ng 2 oras, 32 minuto at 29 segundo upang maging bagong Marathon King sa prestihiyosong takbuhan.

“Hindi ko talaga inexpect na mananalo ako kasi plano ko nang i-give-up tong finals na ‘to dahil nga napostpone last week,” saad ni Poliquit, produkto ng Far Eastern University (FEU) na ngayon ay miyembro na ng Philippine Air Force (PAF).

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang kanyang last-minute decision na magpartisipa sa karera na pansamantalang iniurong ng iskedyul sanhi ng pananalasa ng bagyong ‘Ruby’ ay nagbigay naman ng malaking dibidendo para kay Poliquit, ibinulsa ang P150,000 premyo kasama ang Marathon King trophy na kahalintulad na naisakatuparan na nang napatalsik na kampeon na si Buenavista.

“Merry ang Christmas,” masayang sinabi ni Poliquit.

Ang isa pang reward na mapapasakamay ni Poliquit ay ang stint in sa international marathon, possible sa Los Angeles sa susunod na taon.

Ang pagkakaantala sa karera ay nangahulugan lamang ng malaking bahagdan para kay Buenavista, naunsiyami ang kanyang inaasam na maiparehas ang marka ni Roy Vence sa anim na mga titulo.

Sinabi ni Buenavista na ang postponement ay lumaro sa malaking factor sa kanyang pagtabo kung saan ay tumapos siya sa oras na 1:27 sa likuran ni Poliquit.

“Medyo nag-iba ang kundisyon namin gawa nung postponement, di sanay ba,” nanlulumong sinabi ni Buenavista. “Pero di bale, baka sa susunod makabawi.”

Wala namang pinagkaiba sa women’s category kung saan ay napanatili ni Mary Joy Tabal ang Marathon Queen plum bilang pinakamabilis na Filipina runner na nagpartisipa maging sa open o local category.

Nagkasya lamang si Tabal sa second place sa open category sa naitalang oras na 2:51:55, o may 4 na minutong pagkahuli sa nagwaging si Rose Nyangahcha ng Kenya.

Subalit kinamkam ng Cebuana ang Marathon Queen trophy sa ikalawang sunod na taon kung saan ay mas mabilis siya ng 12 minuto kaysa sa local winner na si Christabel Martes (3:03:49).

“Hindi ako masyadong satisfied kasi confident ako na makuha ko ‘yung time ko last year na 2:48,” pahayag ni Tabal, ikinumpara ang bagong ruta at ang postponement na siya ring naging factors sa kanyang pagkadismaya.