NGAYONG nalalapit na ang Pasko, samahan si Jessica Soho sa isang espesyal na salu-salo tampok ang pinakamasasarap na hamon at lechon sa Metro Manila pati na rin ang iba’t ibang uri ng kakanin tulad ng pasingaw, dumol at bibingka waffle ngayong gabi sa Kapuso Mo, Jessica Soho.

Bukod sa mga handa sa Noche Buena, tampok din sa KMJS ang awiting Ang Pasko ay Sumapit na isa sa mga pinakasikat na Christmas carol ng mga Pilipino. At ang sinasabing kasama ng National Artist na si Levi Celerio na nag-compose nito na si Lolo Pepe ay 98 taon na ngayon. Bilang pasasalamat sa naiambag niya sa industriya ng musika, isang nakakaantig na caroling ang ihahandog ng KMJS kay Lolo Pepe.

At kung wala pang naiisip na regalo ngayong Pasko, abangan ang ibabahaging gift ideas ng KMJS. Maaga naman ang Pasko para sa fans ng One Direction, dahil nakatakdang magbukas ngayong buwan dito sa Pilipinas ang 1D World, na nabibilhan ng mga official 1D merchandise.

Kahit taun-taong idinadaos ang Oblation Run, na tumatakbong nakahubad ang mga lalaking estudyante para sa kanilang mga ipinaglalaban, marami pa rin ang nagugulat at kung minsan ay naeeskandalo rito. Pero sa katatapos lang na Oblation Run nitong nakaraang linggo, marami rin ang kinilig nang mag-propose ng kasal ang isang runner sa kanyang kasintahan. Alamin ang viral love story na ito.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Samantala, ang bagyong Ruby ang pinakamalakas na bagyong bumayo sa Pilipinas sa taong ito. Hindi man ito naging kasing mapaminsala ng Yolanda, may mga binawi pa rin itong buhay at hindi mabilang na mga sinirang ari-arian. Paano kaya ipagdiriwang ng mga nasalanta ng bagyo ang nalalapit na Pasko?

Huwag palampasin ang mga kuwentong ito ngayong Linggo sa Kapuso Mo, Jessica Soho, 7:30 PM pagkatapos ng Ismol Family sa GMA-7.