Pinayagan ng isa pang sangay ng Sandiganbayan si dating Makati City Mayor Elenita Binay na makapagbakasyon sa Japan ngayong Disyembre.
Pinayagan ng Sandiganbayan Fourth Division ang maybahay ni Vice President Jejomar Binay na makabiyahe matapos aprubahan ng Fifth Division noong Nobyembre 27 ang kanyang kahilingan na makapagbakasyon sa Japan mula Disyembre 18 to 23.
Subalit pinaalalahanan ng Fourth Division si Ginang Binay na huwag lalabag sa mga kondisyon na inilatag ng korte upang siya ay makabiyahe dahil ito ay posibleng gamitin upang makumpiska ang kanyang inilagak na travel bond at pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa dating alkalde.
Hindi pa rin wini-withdraw ang P90,000 travel bond na kanyang inilagak sa Fourth Division para sa kanyang mga nakaraang biyahe sa ibang bansa.
Sa resolusyon na nilagdaan ni Fourth Division Acting Chairman Alex Quiroz at nina Associate Justice Oscar Herrera Jr. at Samuel Artires noong Disyembre 3, sinabi ng korte na tanging sa Japan lamang magtutungo si Ginang Binay.
Si Mrs. Binay ay nahaharap sa kasong katiwalian sa Fourth Division hinggil sa umano’y overpricing ng P40 milyong halaga ng office equipment noong siya ay alkalde pa ng Makati City noong 1999-2000.