Sa Martes ng madaling-araw, ika-16 ng Disyembre, sisimulan na ang Simbang Gabi sa mga bayan at barangay, sa mga lalawigan at maging sa Metro Manila. Hudyat ito ng masaya at matunog na repeke at kalembang ng mga kampana sa mga simbahan. Ang Simbang Gabi ay isa sa pinakamahaba at kilalang tradisyong Pilipino. Simula na ito ng Panahon ng Pasko o Christmas Season sa Pilipinas. Tampok sa Simbang Gabi ang Misa de Gallo na nag-uumpisa ng 4:00 ng madaling-araw kasabay ng tilaok ng tandang. Ang “Gallo” ay tandang sa Kastila at dito hinango ang salitang kaugnay ng misa sa madaling-araw. Sinimulan noong ika-18 siglo ng mga misyonerong Kastila upang makadalo sa misa ang mga magsasaka bago magtungo sa bukid.

Ang Simbang Gabi ay siyam na sunud-sunod na madaling-araw na pagsisimba bilang paghahanda sa pagsilang ng Dakilang Mananakop, ang pangakong Dakilang Alay ng Diyos Ama upang tumubos sa sangkatuhan. Natatapos ang Simbang Gabi sa madaling-araw ng Disyembre 24. Kasunod na nito pagsapit ng hatinggabi ang Christmas Eve Mass na pasasalamat sa pagsapit ng araw ng Pasko o ng pagsilang ni Kristo Jesus.

Sa Simbang Gabi, malalim na nakaugat ang pananampalataya ng mga Katolikomg Pilipino. Ang pananalig sa nag-iisang Diyos na kasama sa kasaysayan ng tao. Marami ang naniniwala na ang pagdalo sa Misa de Gallo ay isang patunay ng moral vindication at may hatid rin na moral cleansing effect o ng magaang na pakiramdam at ginhawa sa kaluluwa, puso, damdamin at kalooban. Ang Simbang Gabi ay isang gawain ng pagpapakasakit, ng pag-ibig at debosyon. Kailangan dito ang lakas at sakripisyo upang gumising nang maaga sa malamig na umaga ng Disyembre. Sa paglipas ng panahon, ang Simbang Gabi ay naging bahagi na ng tradisyon at kultura nating mga Pilipino na malinaw na ipinakikita ng ating national identity o pambansang pagkakakilanlan na dapat pangalagaan. At sa mga lugar naman na tinamaan ng kalamidad, ang Simbang Gabi ay may hatid na ginhawa, kapayapaan at pag-asa.
National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya