Nanawagan si Pope Francis para sa isang pagdaigdigang pagkilos laban sa human trafficking at pang-aalipin noong Miyerkules. Iyon ay isang mensahe para sa pagdiriwang ng Simbahan ng World Day of Peace sa Enero 1, ngunit isa ring mensahe iyon para sa Panahon ng Adbiyento na ang Pangatlong Linggo na ipinagdiriwang natin ngayon.

Ikinalungkot ng Papa ang kawalang-bahala ng nakararami sa daigdig ngayon na nagpapahintulot sa puwersahang prostitusyon, puwersahang manu-manong pagtatrabaho, pagkakalubog sa utang at pang-aalipin sa maraming bansa. Isang Australian human rights group, ang Walk Free Foundation, sa isang taunang survey kamakailan hinggil sa pang-aalipin sa buong daigdig, ang nagsabi na sa ngayon may 35.8 milyon katao ang inaalipin sa 167 bansa.

Ang pinakahuling ulat tungkol sa sex slavery ay yaong nagmumula sa hidwaan sa Iraq, kung saan ibinenta ng Islamic State ang libu-libong babae ng ethnic minority para gawing mga alipin, at mula sa mga labanan sa Nigeria kung saan nanghuli ang Boko Hiram ng mga babae at ibinenta rin. Ngunit matagal bago ang hidwaan, may mga ulat na ng iba’t ibang anyo ng pang-aalipin sa maraming bansa, at ang India ang nangunguna sa listahan ng Walk Free Foundation.

Matagal nang suliranin sa ating bansa ang human trafficking. Sa pagtaya ng pamahalaan noong 2007 mula 300,000 hangang 400,000 babae at mula 60,000 hanggang 100,000 bata ang ipinupuslit sa Pilipinas. Ganoon ding pagtaya ng Manila office ng International Labor Organization (ILO) ng United Nations (UN) sa mga bata. Isang ulat mula Vatican noong 2004, ang nagsabi na mayroong seryosong problema ang Pilipinas sa ilegal na pagre-recruit ng mga babae at bata sa industriya ng turismo para sa sexual exploitation.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Hindi bulag ang Pilipinas sa problemang ito. Nagpatupad ang Kongreso ng RA 7610, ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act; RA 8042, ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act; RA 9208, ang Anti-Trafficking in Persons Act; at RA 9775, ang Anti-Child Pornography Act. Sinusuportahan ang gobyerno ng maraming non-government organization sa kampanya nito ng pagkakaloob ng ayuda sa mga biktima.

Sa kanyang mensahe noong Miyerkules, nanawagan ang Papa sa mga pamahalaan at iba pang institusyon na magsikap upang mahinto ang human trafficking at modernong pang-aalipin. Binigyan niya ng diin ang indibiduwal na responsibilidad. Partikular na hinimok iya ang mga mamimili na iwasang bumili o gumamit o kumain ng mga produkto na ginawa ng mga inaalipin. “Every person ought to have the awareness that purchasing is always a moral and not simply an economic act,” anang Papa.

Sa Pangatlong Linggo ng Adbiyento, habang pinananabikan natin ang pagbisita ng ni Pope Francis sa Pilipinas, magdulot nawa ng inspirasyon ang kanyang mensahe ng pandaigdigang pagkilos laban sa human trafficking at modernong pang-aalipin upang gumawa ng hakbang ang ating pamahalaan at makiisa ang mas maraming mamamayang Pilipino.