SEOUL (Reuters) – Sinabi ng head of cabin crew na pinababa sa isang Korean Air Lines flight matapos magalit ang executive ng kumpanya sa paraan ng paghain niya ng macadamia nuts na siya ay ininsulto at pinaluhod para humingi ng tawad sa executive.
Sa kasong pumukaw ng galit sa publiko at pangungutya sa kanyang pagtrato sa flight crew, pinagalitan ni Heather Cho, anak ng chairman ng kumpanya at pinuno ng in-flight service, ang cabin crew chief at isa sa kanyang mga flight attendant na naghain sa kanya ng nuts na nakalagay sa supot, at hindi sa plato.
“In a situation where she said “Make contacts right now to stop the plane. I won’t let the plane go”, I dared not object to her, the owner’s daughter,” ani Park Chang-jin, ang chief purser, sa state-run TV network KBS noong Biyernes ng gabi, matapos ang ilang araw na pananahimik.
Ibinalik ng piloto ang eroplano sa gate nito sa John F. Kennedy International Airport ng New York upang pababain ang cabin crew chief. Dumating ang flight sa Incheon, malapit sa Seoul, 11 minutong huli sa oras nito.
Si Cho ang panganay na anak na babae ng chairman ng kumpanya na si Cho Yang-ho. Ang dalawa pa niyang mga kapatid ay executive din sa airline.
Ayon kay Park, minura siya ni Cho at ilang beses na hinampas ng file case na dala nito ang kanyang kamay, at dinuro siya habang nakaluhod.