HINDI man naiuwi ni Dennis Trillo ang tropeo ng karangalan sa kategoryang Best Actor in a Leading Role sa katatapos na 19th Asian TV Awards (ATA) sa Marina Bay Sands sa Singapore, ipinagkaloob naman sa kanya ang certificate as highly commended. Ang highly commended status ay equivalent ng second place o first runner- up sa winner.
Ang nanalo bilang Best Actor in a Leading Role ay si Pierre Png (para sa kanyang pagganap sa Zero Calling ng MediaCorp Pte Ltd/Channel 5) ng Singapore. Nominado rin si Pierre sa The Journey: A Voyage ng MediaCorp Pte Ltd/Channel 8. Siya lang ang nag-iisang aktor na tumanggap ng dalawang nominasyon sa ATA2014.
Nominado naman si Dennis sa role niya bilang Eric del Mundo sa My Husband’s Lover ng GMA Network, ang nagpanalo sa kanya sa 5th Golden Screen TV Awards ng Entertainment Press Society (Enpress, Inc.) nitong nakaraang Marso bilang Outstanding Performance by an Actor in a Drama Program.
Second nomination na ito ng aktor ng Hiram Na Alaala sa ATA. In 2007, nakakuha rin siya ng nominasyon sa APT-produced Unico Hijo sa 12th Asian TV Awards.
Hindi na rin nasayang ang pagpunta ng bida sa “Ulam” episode ng Shake, Rattle & Roll XV ng Regal Entertainment dahil sa ipinagkaloob sa kanyang certificate citing him as highly commended. Hindi rin naman umaasang maiuuwi ni Dennis ang tropeo.
Para kay Dennis, mapansin lang ng mga hurado ang husay niya sa pag-arte at mapabilang bilang finalist ay isang karangalan na para sa award-winning actor. Bonus na lang kung masusungkit at maiuuwi niya ang tropeyo.