LIGTAS KAMI RITO ● Noong unang panahon, nakatira ang tao at hayop sa mga yungib sa pangunahing dahilan ng kaligtasan. Depende sa lokasyon, hindi ito basta naaabot ng anumang unos, kaya naman laging maaaasahan ito kung proteksiyon sa pagsusungit ng kalikasan ang pag-uusap. Kaya maraming residente sa Basey, Samar ang hindi na nagdalawang isip na lumikas sa kani-kanilang mga tahanan. Hindi na nila mahintay ang relokasyon na binabalak ng gobyerno para sa kanilang kaligtasan laban sa pagsusungit ng bagyong Ruby.
Ginamit na lamang nila ang kanilang lakas ng loob at matinding pananalig sa Diyos kung kaya narating nila ang isang lugar kung saan tiyak ang kanilang kaligtasan laban sa malalakas na hangin at ulan, lalo na ang baha na kaakibat ng storm surge. May nakapag-ulat na mahigit 400 residente ang sumilong sa mga yungib ng San Roque. Anila, mas ligtas sila roon kaysa bunkhouses na gawa lamang sa light materials. Sa unang hudyat pa lamang ng pagdating ni Ruby, marami na ang nagsilikas sa mga yungib. Doon, wala ang pangamba na tatangayin sila ng malalakas na alon o ng hangin, at hindi rin sila aabutin ng baha at storm surge. Marami rin ang lumikas sa mga kuweba ng Panhulugan at Sohoton Sitio Rawis sa Barangay Guirang. Sapagkat bahagi ng kalikasan ang mga yungib, hindi naman ito nangangailangan ng matinding maintenance o sanitasyon. Ang tanging makaaapekto sa paninirahan sa mga yungib ay ang lindol at ang makakamandag na hayop na una nang nakatira roon.
***
HUWAG NA MUNA ● Naghahangad ang lang pari at laymen sa Sri Lanka na ipagpaliban na muna ang pagbisita sa kanilang bansa si Pope Francis sa Enero 13, 2015. Nangangamba sila sapagkat malapit sa nakatakdang pagbisita ni Pope Francis ang kanilang presidential elections na malamang na sumiklab ang karahasan na kaugnay ng halalan. Karaniwan na lang kasi sa Sri Lanka na sinusundan ng karahasan ang bawat halalang pambansa. Nais nilang iiwas ang Papa sa anumang panganib na may kaugnayan sa eleksiyon. Ayaw din ng ilang militanteng grupo roon na ma-trap sa pulitka ang Papa. May ilang sektor din ang nagpahayag na hindi dapat gamitin ang imahe ni Pope Francis sa mga billboard ng pangangampanya. Nilalayon ng mga awtoridad sa Sri Lanka na sumulat sa Vatican na humihiling ng postponement ng Papal Visit sa naturang bansa. Idalangin nating sa Diyos na maging maayos at mapayapa ang ating bansa (pati na ang lagay ng panahon) sa Enero 15-19, 2015, sa pagdating ni Pope Francis sa Pilipinas.